MAGANDANG araw po sa Aksyon Line. Palagi po akong nakasubaybay sa inyong mga inilalathala sa pamamagitan po ng on line ng inyong pahayagan. Lagi naman kasi akong gumagamit ng Internet kaya mas gusto ko na sa online na lamang ako nagbabasa ng inyong pahayagan.
Isa pong OFW ang mother ko sa bansang Dubai. Palagi kong nababasa ang mga benepisyo na maaaring makuha sa OWWA pero nabalitaan ko na mayroon pa rin pala na mga benepisyo na maaaring makuha sa NRCO o National Reintegration Center for OFWs na isa po sa attached agency ng OWWA.
Tumutulong daw po ito sa mga OFWs, at ano po ba ang mga benepisyo o programa ang nakapaloob dito?
Sana ay masagot ninyo aking katanungan.
Salamat po.
REPLY: Salamat sa iyong pagliham.
Ang Livelihood Development Assistance Program (LDAP) ay isa sa mga programa at serbisyo ng NRCO.
Dating tinatawag na 10K Livelihood Assistance Program, and Livelihood Development Assistance Program (LDAP) na sinimulan noong 2011 at binago noong 2014 para tumugon sa mga undocumented OFWs.
Saklaw nito ang mga OFW at mga marinong sumasakay sa mga fishing vessels o mga direct hire at hindi na dumaan sa POEA bago umalis sa bansa.
Layunin ng programa na magkaloob ng tulong na pondo para sa kabuhayan. Mula 2011 to 2014, nakatulong ang LDAP sa mahigit 15,000 benepisyaryo na nagbukas ng maliliit na negosyo tulad ng sari-sari stores, beauty parlor, rice trading, machine shop, furniture making atbp.
Ang mga nais makakuha ng tulong mula sa programa ay puwedeng magpasa ng requirements sa pinakamalapit na DOLE Regional Office kung saan nila balak itayo ang planong negosyo.
Bawat beneficiary ay makatatanggap ng business enterprise start-up kit na nagkakahalaga ng P10,000.
Binubuo ang kit ng mga materyales para sa kanilang panukalang negosyo.
Ipagkakaloob ito sa benepisyaryo matapos makumpleto ang Small Business Management Training and Financial Awareness Seminar para ihanda ang marino sa pamamahala ng kanyang negosyo.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected] or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.