JRU Heavy Bombers puntirya ang Final Four slot
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Mapua vs JRU
4 p.m. San Sebastian vs Arellano
Team Standings: Lyceum (16-0); San Beda (15-1); JRU (10-6); Letran (8-8); San Sebastian (7-8); Arellano (6-9); EAC (6-10); Perpetual Help (4-11); Mapua (3-12); St. Benilde (3-13)
SISIGURUHIN ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang puwesto nito sa Final Four habang krusyal ang sagupaan sa pagitan ng San Sebastian College Golden Stags at Arellano University Chiefs ngayon sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Sasagupain ng JRU Heavy Bombers ang napatalsik nang Mapua University Cardinals ganap na alas-2 ng hapon bago magharap ang kapwa naghahabol ng silya sa Final Four na Stags at Chiefs dakong alas-4 ng hapon.
Nauungusan ng Heavy Bombers sa huli nitong laro noong Biyernes ang Stags, 60-58, para sa ika-10 nitong panalo kontra anim na kabiguan na nagsiguro ng tsansa sa playoff sa isa sa huling dalawang silya sa Final Four.
Ang panalo kontra Cardinals ang opisyal na magtutulak sa Heavy Bombers para makasama ito ng Lyceum of the Philippines University Pirates (16-0) at San Beda College Red Lions (15-1) sa semis.
Gayunman, inaasahang dadaan muna sa pagsubok ang JRU sa pagsagupa nito sa Mapua na nakapagtala ng una nitong back-to-back na panalo ngayong taon sa 76-71 pagwawagi kontra University of Perpetual Help Altas noong Huwebes.
“It will be a mistake to underestimate Mapua, they’re playing well right now,” sabi ni JRU coach Vergel Meneses na sasandigan muli sina Jed Mendoza at Abdel Poutouochi.
Ang San Sebastian, na nasa ikalimang puwesto sa bitbit na 7-8 kartada, ay pilit na makikisalo sa ikaapat na puwesto na hawak ngayon ng Letran Knights (8-8) habang ang Arellano, na may 5-9 rekord, ay kailangang manalo para manatiling buhay ang tsansang makausad sa semifinal round.
Pilit na babangon ang Stags mula sa masaklap na kabiguan sa Heavy Bombers habang ang Chiefs ay sasandigan naman ang isinagawa nitong 95-65 na demolisyon sa College of St. Benilde Blazers sa Huwebes.
Aasahan naman ni San Sebastian mentor Egay Macaraya na mabigyan ng tulong si Michael Calisaan na natatangi nitong manlalaro na nagtala ng double figures sa huling laro na 15 puntos.
“You have to have the whole team contributing, not just one or two players for a team to win,” sabi ni Macaraya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.