Twice-to-beat advantage nakubra ng San Beda Red Lions
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. Perpetual vs JRU
2 p.m. EAC vs Letran
4 p.m. Lyceum vs San Sebastian
INANGKIN ng nagtatanggol na kampeong San Beda College Red Lions ang ikalawang dalawang beses tataluning insentibo matapos nitong ihulog sa balag ng pagkakapatalsik ang Arellano University Chiefs, 83-72, sa eliminasyon ng 93rd NCAA seniors basketball Huwebes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Sinandigan ng Red Lions ang magkasunod na tres nina Davon Potts at Kent Doliguez matapos na maghabol sa 45-46 iskor upang itala ang 51-46 abante sa ikatlong yugto at hindi na hinayaan ang Chiefs na makabalikwas pa sa laban upang itala ang ika-13 nitong panalo sa loob ng 14 na laro.
Pinaka-importante sa panalo ng defending champion Red Lions ay nasiguro na nito ang ikalawang twice-to-beat na bentahe kung saan wala nang iba pang koponan na makakaabot sa kanilang kabuuang panalo at tangi na lamang na paglalabanan ay ang huling dalawang silya sa Final Four.
Pinamunuan ni Javee Mocon at Jeramer Cabanag ang Red Lions sa kapwa pagtala ng 14 puntos habang may 13 puntos si Robert Bolick at 11 kay Donald Tankoua.
Samantala, pinutol ng Mapua University Cardinals ang 11-sunod na kabiguan matapos nitong isama sa maagang magbabakasyon ang College of St. Benilde Blazers sa pagtala ng 79-69 panalo sa unang laro.
Nag-init ang Cardinals sa huling tatlong minuto ng laro upang basagin ang huling pagtatabla sa 69-69 iskor para sa ikalawa lamang nitong panalo sa 14 na laban.
Pinamunuan ni Laurenz Victoria ang Mapua sa 19 puntos dagdag ang pitong assist, apat na rebounds at isang steal sa 35 minuto ng laro.
“What can I say, it’s been a long time. Thank you to Laurenz,” sabi lamang ni Mapua coach Atoy Co. “Basta we keep on practicing and we still do our system, we run, kasi yun ang sistema kasi we are small, we run.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.