Ano ang gagawin nina Toni at Piolo kung ‘Last Night’ na nila sa mundo?
HANDANG gabayan at tulungan ni Binibining Joyce Bernal si Bela Padilla kapag nagdesisyon na itong karirin ang pagdidirek ng pelikula dahil naniniwala siyang magiging mahusay ding direktor ang aktres/scriptwriter.
Nakatsikahan namin si direk Joyce pagkatapos ng presscon ng bago niyang proyekto, ang reunion movie nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga na “Last Night”, tinanong siya kung bakit niya nasabing puwedeng maging direktor si Bela.
“Kaya ako naniniwala sa kanya, alam niya kung paano gumawa ng cha-racter. Bagama’t pare-pareho lang naman ‘yung love stories, but different characters. Kapag buo ang character mo, kaya niyang i-lead kung saan ‘yung istorya differently and marunong si Bela.
“Mahirap ‘yun kasi usually pag director ka, magandang eksena, magandang pangyayari at ‘yung character, kaya mong i-act at alam yun ni Bela,” esplika ni Bernal. Kaya ang payo niya sa dalaga, “Kung gusto mong magdirek ngayon na.”
Kung seryoso raw si Bela ay iga-guide siya ni direk Joyce dahil matagal na silang magkaibigan simula pa noong gawin nila ang pelikulang “10,000 Hours” na pinagbidahan ni Robin Padilla noong 2013.
“Noon pa sinasabi na niyang gusto niyang magdirek kaso natatakot siya kaya sabi ko ngayon na kung gusto mo. Yung friendship namin ni Bela ibang level na,” saad ng direktora.
Matulungin si Joyce sa mga baguhan na gustong matutong magdirek, sa katunayan ay isa siya sa nag-aprub at nagtiwala kay direk Sigrid Andrea Bernardo sa pinrodyus ng Spring Films na “Kita Kita” nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi na kumita ng P320 million dito sa Pilipinas, wala pa riyan ang kinita mula sa international release.
Going back to direk Joyce ay aminado siyang kailangan lang magtiwala sa mga baguhan, “Kasi baka naman maka-hit, di ba? Hindi naman namin in-expect ‘yung sa ‘Kita Kita’ kaya ako open ako sa pagbibigay ng mga opportunities sa mga baguhan.”
Samantala, malaki raw ang nagastos sa “Last Night” maski sa Metro Manila lang ito kinunan. Ikinumpara pa namin ito sa “Kita Kita” dahil sa Japan pa ito ginawa.
“Mas mura ‘yung Japan, itong ‘Last Night’, malaki ‘yung production, pero I think mas malaki ang gastos ng ‘Northern Lights’ kesa dito sa Last Night,” saad ni direk Joyce.
Nabanggit ng isa sa producer ng “Last Night” na si Neil Arce na hindi tungkol sa suicide ang tema ng pelikula.
“Magpapakamatay sila (Piolo at Toni) nu’ng time na nagkita sila after then on, wala na. Hindi na siya tungkol sa pagpapakamatay, pero iyon ‘yung ginagawa nila pero hindi na iyon ‘yung nangyari,” paliwanag sa amin.
Natanong sina Piolo at Toni kung ano ang gagawin nila kapag last night na nila sa mundo.
“Iinumin ko lahat ng energy drink para malakas ako throughout the day,” sabi ni Piolo.
Umalma naman si Toni sa tanong dahil, “Wala pang one-year old ‘yung bata, last night ko na? Hindi man lang nag-birthday? Pa-birthday n’yo naman. Ano lang, hug ko lang o titigan ko. At least bago ako mawala, may souvenir na maiiwan, ‘yun lang,” sabi ng mommy ni Baby Seve.
Kakaiba naman ang trip nina direk Joyce, Boy 2 Quizon, Neil at Bela.
Sabi ni Boy 2, “Aalis ako ng Pilipinas, mag-a-abroad ako. Magbabakasyon ako.”
Si Bela, “Magda-drive lang ako kasi happy moment ko ‘yun. At ihahatid ko lahat ng naghi-hitchhike kung saan sila pupunta. Baka iyon ang cause of death ko kaya last night ko na.”
“I’ll spend it with my family,” say ni Neil.
“Gagawin ko lahat, lahat ng hindi ko puwedeng sabihin dito, gagawin ko lahat. Lahat ng gusto rin ninyong gawin on your last night, gagawin ko lahat,” sabi naman ni Joyce.
Ang balik-tambalang pelikula nina Piolo at Toni ay mapapanood na sa Set. 27 mula sa Spring Films, N2 Productions at Star Cinema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.