Barko-barkong raliyista di totoo-PNP | Bandera

Barko-barkong raliyista di totoo-PNP

John Roson - September 21, 2017 - 06:57 PM
Mali ang napaulat na planong pagdadala ng anim na barkong puno ng rallyista mula Visayas at Mindanao patungong Metro Manila, sabi ni National Police chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa. “We have been validating reports na mayroong anim na barko na nirentahan ng mga kalaban ng Duterte administration para maghakot ng mga protesters sa Mindanao at Visayas but it turned out negative,” sabi ni Dela Rosa sa mga reporter. Matatandaan na si dela Rosa din mismo ang nagsabi noong Miyerkules na may ganoong ulat silang natanggap, at pinaghahandaan ang pagdagsa ng mga naturang rallyista sa Luneta. Pero ayon sa PNP chief, nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga shipping company matapos matanggap ang ganoong ulat at sinabihan na “normal” lang ang bilang ng pasahero sa mga barko. “Walang ganoong movement at, accordingly, sabi nila, ‘yung kanilang volume of passengers, na monitor nila ay normal daw. ‘Yung iba nga half-filled or less than half yung pasahero ng mga barko,” ani dela Rosa. Bukod dito, nakatanggap din aniya ang PNP ng impormasyon na may 50 jeepney na inarkila sa katimugang bahagi ng Metro Manila upang magdala ng mga rallyista sa Luneta, pero di pa nagagamit Huwebes ng hapon dahil walang sumasama. Bago ito, inanunsyo ng PNP na isinailalim sa pinakamataas na alerto ang lahat ng unit sa bansa Miyerkules ng hapon para maghanda sa mga kilos-protesta. Mahigit 1,000 pulis ang ikinalat sa Luneta, at iba pang lugar gaya ng Mendiola at Plaza Miranda, para bantayan ang mga magra-rally na laban at pabor sa administrasyon. Bukod dito’y may daan-daang pulis na ihinanda sa Camp Crame at may naka-standby ding aabot sa 100 sundalo, kung kakailanganin ng karagdagang deployment. Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos, itinakdang “no rally zone” ang harap ng U.S. Embassy at iba pang diplomatic mission sa Metro Manila. Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office na 400 pulis ang dineploy sa harap ng U.S. Embassy. Habang nagsisimula pa lang ang rally sa Mendiola Huwebes ng tanghali, sinabi ni Dela Rosa na “peaceful” ang sitwasyon at wala pang namo-monitor na karahasan. Sinabi ng NCRPO na 10,000 ang inaasahang dadalo sa kilos-protesta sa Luneta, kung saan nakatakdang magtipon-tipon ang lahat ng rallyista mula sa iba-ibang bahagi ng Kamaynilaan. Dakong ala-4 ng hapon ay may na-monitor nang humigit-kumulang 5,000 anti-government na rallyista sa Mendiola, mahigit 100 sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City, at humigit-kumulang 400 sa tapat ng Centris. Sa Legaspi City, Albay, may na-monitor ding pagpo-protesta ng 1,400 miyembro ng mga militanteng grupo pasado alas-10 ng umaga. May na-monitor din na kabuuang 1,000 anti-government na rallyista sa mga pagkilos sa Kalibo, Aklan; Roxas City, Capiz; at Iloilo City. Sa panig pro-government rallyists, may na-monitor na humigit-kumulang 12,000 sa Plaza Miranda, ayon sa pulisya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending