Marcial, Tupas naka-gold sa SEA Games boxing
KUALA LUMPUR – Iginanti nina Marvin John Nobel Tupas at Eumir Felix Marcial ang kanilang mga kakampi na nabigo sa mga kuwestiyonableng laban sa pagbibigay ng dalawang gintong medalya sa boxing competition ng ginagawa dito na 29th Southeast Asian Games sa Malaysia International Trade and Exhibit Center Hall 8.
Hinablot ni Tupas ang kanyang unang gintong medalya sa unang pagsabak sa SEA Games sa matinding unang round na knockout habang pinahirapan muna ni Marcial ang nakatapat na Thai boxer tungo sa pag-uwi nito sa ikalawang ginto sa kada dalawang taong torneo.
Isinalubong ng Filipino-British na si Tupas sa pagtunog ng bell ang isang solidong right straight sa mukha ni Adli Hafidz B. Mohd Pauzi ng host Malaysia may walong segundo ang lumipas sa unang round para sa standing eight count bago nagpakawala muli ng tatlong dikit na suntok upang agad tapusin kahit may natitira pa na 2:39 oras sa laban para kumpletuhin ang kanyang unang sabak sa light heavyweight (82kg) para sa Alliance of Boxing Associations of the Philippines (ABAP).
“I didn’t expect the fight to end so soon. It is just unfortunate that it happened that way. Our plan is to hit hard but I didn’t expect it to happen so early. It is so good to win my first medal for the country,” sabi ni Tupas, na miyembro ng British Royal Army.
Kinailangan naman ni Marcial na lampasan ang matinding tatlong round kontra Pathomsak Kuttiya ng Thailand sa middleweight (75kg) division bago nito inuwi ang kanyang ikalawang sunod na ginto sa SEAG sa mas mataas na dibisyon sa pamamagitan ng unanimous decision.
“Gusto ko po sana talaga pabagsakin ang kalaban para makaganti ako sa pagkatalo ni Carlo (Paalam) tsaka kay Ian Clark (Bautista) dahil sa akin ay sila talaga ang nanalo. Kaya lang po ay hindi ko maisuntok ng maayos ang kaliwa kong kamay kasi sumasakit po. Tinitiis ko na lang po ang sakit dahil ito na po ang buhay natin,” sabi ni Marcial, na unang nagwagi ng ginto bilang isang welterweight noong 2015 SEA Games.
Nabigo naman si Mario Fernandez na masungkit ang kanyang ikatlong sunod na gintong medalya sa SEA Games matapos na magkasya lamang sa pilak sa isa pang kuwestiyonable na winner on points na desisyon kontra Chatchai Butdee ng Thailand sa bantamweight class.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.