KUALA LUMPUR — Limang araw na mula nang magbukas ang 29th Southeast Asian Games noong Sabado sa Kuala Lumpur, Malaysia pero matumal pa rin ang dating ng gintong medalya para sa Pilipinas.
Gayunman, tatlong ginto ang inaasahan ng Pilipinas ngayong hapon sa boxing kung saan lalaban sa finals sina Mario Fernandez, Eumir Felix Marcial at Filipino-British Marvin John Nobel Tupas sa Malaysia International Trade and Exhibit Center (MITEC).
Unang sasagupa para sa kanyang ikatlong sunod na gintong medalya sa SEA Games ang tubong-Bukidnon na si Fernandez na sasagupain si Chatchai Butdee ng Thailand sa bantamweight division (56kg).
Sunod na lalaban ang 21-anyos na mula Lunzuran, Zamboanga City at 2011 International Boxing Association (AIBA) Junior World Championship gold medalist na si Marcial na makakaharap ang isa pang Thai na si Pathomsak Kuttiya sa middleweight category (75kg).
Pilit naman kukumpletuhin ni Tupas ang kanyang Cinderella start sa pagtatangkang masungkit ang gintong medalya sa kanyang pinakaunang kampanya sa SEA Games sapul maging miyembro sa Alliance of Boxing Associations of the Philippines (ABAP) ngayon lamang buwan ng Marso kontra Adli Hapidz B. Mohd Fauzi ng host Malaysia.
Ang two time defending SEA Games champion na si Fernandez, na pinakawalan ang kanyang tsansa sa Olympics sa qualifying meet sa Baku, Azerbaijan matapos na ma-diagnose na may katarata sa kaliwang mata, ay tangka rin makapaghiganti sa kanyang pagbabalik kontra Butdee.
“Iyong kalaban ni Mario, bagong lipat lang sa bantam pero nagkita sila sa Bangkok noong April at natalo si Mario. Pero unang laban ‘yun ni Mario mula nung ma-diagnose siya ng cataract,” sabi lamang ni ABAP secretary-general Ed Picson. “Si Eumir naman ang bagong akyat sa 75kg so di pa niya nakalaban iyong Thai,” paliwanag ni Picson.
Nauna rin na pinakawalan ni Marcial ang kanyang unang tsansa na makatuntong sa 2020 Tokyo Olympics sa gaganapin na qualifying tournament sa Germany dahil halos magkadikit ang araw ng pagsasagawa sa SEAG.
Si Marcial, na nagwagi noong 2011 Junior World Championships bilang flyweight sa Astana at 2013 Asian Amateur Boxing Championships sa light welterweight noong 2013 sa Subic Bay, ay pinabagsak si Indran Rama Krishan ng Malaysia upang umasang mapanatili ang SEA Games gold medal na huli nitong napanalunan bilang isang welterweight noong 2015 Singapore.
Kumbinsidong napanalunan ni Fernandez ang kanyang huling tatlong laro habang nilamasan ni Tupas ang matindi nitong semifinals match kontra sa taga-Thailand na si Anavat Thongkrathok upang tumuntong sa kanyang unang kampeonato sa pinakauna nitong pagsabak sa SEAG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.