Patakaran sa sahod para sa holiday ng 2018
BATAY sa Presidential Proclamation No. 269, s. 2017 na nagtatakda ng regular holiday at special non-working holiday para sa taong 2018, nagpalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng advisory na nag-aatas sa tamang pasahod para sa mga nasabing holiday.
Ang Labor Advisory No. 10, s. 2017, “Payment of Wages for the Regular Holidays and Special (Non-Working) Holidays for the Year 2018,” ang magiging gabay ng mga employer sa pribadong sektor sa listahan ng holidays para sa 2018 at kung paano ang pagkuwenta ng sahod kung nagtrabaho ang kanilang manggagawa sa nasabing mga araw.
Ang mga regular holiday ay Bagong Taon (Enero 1), Huwebes Santo (Marso 29), Biyernes Santo (Marso 30), Araw ng Kagitingan (Abril 9), Araw ng Paggawa (Mayo 1), Araw ng Kalayaan (Hunyo 12), Araw ng mga Bayani (August 27), Araw ni Bonifacio (Nobyembre 30), Araw ng Pasko (Disyembre 25), at Araw ni Rizal (Disyembre 30).
Kabilang din sa ginugunita ang Eidul Fitr at Eidul Adha, ang proklamasyon ay ipalalabas matapos matiyak ang petsa ayon sa Islamic calendar o ang lunar calendar, o batay sa Islamic astronomical calculations.
Para sa mga nasabing holidays, ang ginampanang trabaho sa mga nasabing araw ay dapat bayaran ng 200 porsyento ng regular na sahod ng empleado para sa unang walong oras o [(Arawang Kita +COLA) x 200 porsyento]; samantalang ang trabahong ginampanan na mahigit sa walong oras (overtime), ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsyento ng orasang kita ng empleado o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 200 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na trinabaho)].
Samantala, ang trabahong ginampanan sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleado ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang arawang kita ng 200 porsyento o [(Arawang Kita + COLA) x 200 porsyento] + [30 porsyento (Arawang Kita x 200 porsyento)]; samantalang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 200 porsyento x 130 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na trinabaho)].
Gayunpaman, kung ang empleado ay hindi nagtrabaho sa mga nasabing araw, dapat siyang bayaran ng 100 porsyento ng kanyang sahod sa araw na iyon o [(Arawang sahod + COLA) x 100 porsyento].
Ang special (non-working days), ay Chinese New Year (Pebrero 16), EDSA Revolution Anniversary (Pebrero 25), Black Saturday (Marso 31), Ninoy Aquino Day (Agosto 21), at All Saints Day (Nobyembre 1). Disyembre 31, Disyembre 24 at Nobyembre 2 ay karagdagang special non-working days.
Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleado ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras o [(Arawang Sahod x 130 porsyento) + COLA]; samantalang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na trinabaho)].
Para sa trabahong ginampanan para sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50 porsyento ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras, o [(Arawang sahod x 150 porsyento) + COLA]; samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na trinabaho)].
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na “no work, no pay” ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.
Labor Communications Office
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.