Eat Bulaga 38 taon nang naghahatid ng ‘Isang Libo’t Isang Tuwa’ sa Pinas
SA LOOB ng 38 taon, pinatunayan pa rin nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na sila pa rin ang mga hari ng noontime show.
Isa na namang achievement na maituturing ng longest running noontime show na Eat Bulaga ang ipagdiwang ngayong Hulyo ang kanilang ika-38 anibersaryo sa mundo ng telebisyon. Simula nang umere ang programa apat na dekada na ang nakararaan, patuloy pa rin ang EB sa adhikain nito na magbigay ng “isang libo’t isang tuwa” sa milyun-milyong Pilipino.
“Ang Eat Bulaga ay naging ekstensiyon na ng tahanan ng mga pamilyang Filipino,” saad ng tinaguriang Ultimate Pinoy Henyo na si Joey de Leon.
Sina Tito, Vic & Joey, o kilala rin bilang TVJ, ay unang nilapitan ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE) big boss Antonio Tuviera noong 1979 para pangunahan ang isang bagong show na ipangtatapat sa nooy nangungunang programa na Student Canteen.
Dahil sa galing sa komedya ay napukaw nila ang interes ng mga manonood, nagawa ng TVJ na higitan ang popularidad ng kanilang kompetisyon at kalaunan ay naging number one sa pananghalian.
“Credit goes to the think tanks of the show, the writers, the staff, and of course our producer, Mr. Tuviera. Nu’ng kami ay nagsisimula, akala ko bagong programa lang. Hindi ko naisip na aabot kami sa ganito,” saad ni Vic.
Sa mga nagdaan ding taon, ang Eat Bulaga ay nakapaglungsad na ng mahigit 300 segments tulad ng “Little Miss Philippines,” “That’s My Boy,” “Super Sireyna,” “Laban O Bawi,” “Taktak Mo o Takbo,” “Pinoy Henyo,” “Juan for All, All for Juan” at ang phenomenal na “Kalyeserye”.
“Nakakatuwa na makita ang mga segments na ito mula sa simula hanggang sa mga naitulong nito sa mga viewers. Isang kakaibang experience ang maging parte ng programa tulad ng Eat Bulaga na tumutulong at nagpapaligaya sa sambayanan,” ayon kay Ryan Agoncillo, isa sa mga regular Dabarakds.
Dagdag pa ng TV host, naging daan ang EB sa mga artista na tulad niya na makakonek sa mas maraming Pinoy.
Ayon naman kay Vic, itinuturing nila ang lahat na parte ng isang pamilya, “We make sure that they feel comfortable, we make them feel that this is a family and this is not just work. I think that’s one recipe on the success of the show.”
Para naman kay Ruby Rodriguez, na naging bahagi na ng Eat Bulaga sa loob ng 26 taon, ang makatrabaho ang mga mas nakababatang host ang nagbibigay ng bagong panlasa sa mga segments ng programa. Aniya, ang pagkakaroon ng hosts tulad nina Ryzza Mae Dizon, Baeby Baste, Alden Richards at Maine Mendoza ang magbibigay-daan upang maipagpatuloy ang naumpisahan nila Tito, Vic & Joey.
“We are evolving. Even our seniors, we keep up with the times. Natututo kami ng millennial language na ibang-iba sa aming henerasyon. It updates you and it keeps you young. Isa ito sa mga rason kaya naming hinahasa ang mga batang hosts – para mas maitindihan nila at isapuso ang programa,” ani Ruby.
Para naman kina Alden at Maine, na mas kilala bilang AlDub, tinatanaw nilang malaking utang na loob sa EB kung nasaan man sila ngayon. Sabi ni Maine, hindi matatawaran ang suporta at pagmamahal na natatanggap nila mula sa produksiyon at mga co-hosts.
“Hindi lang katrabaho yung turing nila sa iyo kundi pamilya talaga. Parang hindi trabaho kasi masaya at kumportable ka sa mga taong kasama mo,” saad ni Maine. “Pag naging parte ka ng show, para kang nasa isang pamilya.”
Umaasa naman si Alden na maraming taon pa silang mapapanood ni Maine sa Eat Bulaga, “Ang maging parte ng longest running noontime show ng Pilipinas ay isang napakalaking biyaya. Hindi kasi lahat nabibigyan ng pagkakataon makatrabaho sila at maswerte ako dahil I also consider them as my family,” ayon dito.
“I hope and pray na mas lalong pang tumagal ang programa at mas marami pang mapasayang tao saan mang sulok ng mundo,” sey pa ng Pambansang Bae.
***
Samantala, nang tanungin si Joey sa naging sikreto ng programa kaya ito tumagal ng halos apat na dekada, aniya, hindi lang dahil swerte ang show, kundi dahil na rin sa patuloy nilang pag-reinvent at pagkonek sa mga manonood.
Ayon kay Joey ang Eat Bulaga ay nasa puso na ng bawat Pilipino dahil na rin sa patuloy na suporta ng mga loyal Dabarkads, “We’ve been through seven presidents and counting. We’ve been to three different networks (RPN 9, ABS-CBN and GMA 7), dapat kasali lagi ang audience. Hindi namin ilalayo ang sarili namin. Dapat connected kami sa masa, sa viewers.”
Pahayag naman ni Vic, hindi niya masyadong naramdaman na 38 years na pala ang Eat Bulaga.
Napakabilis daw kasi talaga ng panahon at kailangang makisabay sila sa pagtakbo nito.
“Ang programa ay nagpapasaya ng tao, it entertains them. There’s always room for improvement. Nakakatuwa din na makita ang mga natulungan at matutulungan pa ng Eat Bulaga. Sabi nga ni Tito Sen, ‘It’s a public service show in the guise of entertainment.”
Ngayong Hulyo, asahan ang mas masaya at mas kwelang anniversary month ng Eat Bulaga tampok ang mga bagong segments ng show – ang pag-feature sa mga naggagandahang Pilipina at ang mga must-see destinations sa ating bansa. Maki-celebrate rin sa 2nd anniversary ng AlDub at ang pinakaaabangang reunion ng mga bida sa Kalyeserye.
Ang lahat ng ito ay mapapanood Lunes hanggang Sabado sa Eat Bulaga sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.