80 sugatan, 2 patay, maraming pinsala naitala sa lindol | Bandera

80 sugatan, 2 patay, maraming pinsala naitala sa lindol

John Robert Bolledo (Bandera intern), John Roson - July 07, 2017 - 04:08 PM

Halos 80  na ang naiulat na nasugatan, dalawa ang kumpirmadong nasawi, at maraming istruktura at kalsada ang napinsala dahil sa magnitude-6.5 lindol na yumanig sa Leyte at iba pang bahagi ng Visayas, ayon sa mga otoridad Biyernes.

Bukod dito’y maraming bahagi pa ng Eastern Visayas ang dumaranas ng blackout Biyernes dahil sa napinsalang sub-station at mga linya ng kuryente.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinasabing 43 ang nasugatan sa bayan ng Kananga, tatlo sa Ormoc, at 26 sa Carigara.

Di pa kasama sa bilang ang anim kataong nahugot mula sa gumuhong Queda bldg. sa Kananga Huwebes ng gabi.

Nakilala ang anim bilang sina Sancho Geraldez, 4; Aina Nicole Geraldez, 7; Jevy Omulon, 38; Marian Superales, 42; Edgar Cabahug, at Irene Flores.

Sinabi ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, na wala nang natitirang tao sa gusali sa Brgy. Poblacion. Gumuho ang gusali pasado alas-4 ng hapon Huwebes, noong kasagsagan ng lindol.

Una nang inulat ng Bandera na isa ang nasawi sa pagguho ng naturang gusali at isa pa ang namatay nang mabagsakan ng debris sa Ormoc City.

Nakilala ang nasawi sa Queda bldg bilang si Gerry Movilla, 40. Ang nasawi sa Ormoc ay nakilala bilang si Rhissa Rosales, 19.

Bukod sa pagguho ng naturang gusali, nagkaroon ng mga crack ang dalawang classroom sa Bienvenido Celebre National High School ng Jaro, at ang runway ng Ormoc Airport, ayon naman sa ulat ng Office of Civil Defense-8.

Dahil sa mga ganitong epekto ng lindol ay sinuspende ang klase sa Tacloban City, Ormoc City, at iba pang bahagi ng Leyte. Sinimulang inspeksyunin ang mga paaralan sa mga naturang lugar Biyernes para matiyak na walang pinsalang maaaring magdulot ng panganib sa mga estudyante.

Nagkaroon din ng bitak ang Campokpok, Valencia, Kinuhanga at Pagsangaan bridges, pati ang mga kalsadang Tabango-Catmon-La Fortuna-Manlawan-Gilmarco at Palo-Carigara-Ormoc, na pawang mga nasa lalawigan ng Leyte.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Dumaranas pa ng blackout ang maraming bahagi ng Leyte, pati ang Biliran, Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar dahil sa isang napinsang sub-station at mga linya ng kuryente, , ayon sa OCD-8.

Noong kasagsagan ng lindol ay may naganap na landslide sa Mt. Amandiwing, Brgy. Rubas, Jaro. Unang napaulat na may evacuation na naganap dahil sa insidente, pero di natuloy ang paglikas dahil malayo ang kabahayan sa landslide, ayon sa OCD.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending