10 paaralan ang host ng ika-100 taon ng NCAA sa 2024
MAGTUTULONG-TULONG ang 10 miyembrong paaralan ng pinakamatandang liga sa bansa na National Collegiate Athletic Association (NCAA) para sa engrande at makulay na pagdiriwang ng ika-100 taon nito sa 2024.
Ito ang isiniwalat ni NCAA Management Committee (ManCom) Chairman Fr. Glyn Ortega ng Season 93 host San Sebastian Collegiate-Recoletos (SSC-R) Lunes sa isang pulong pambalitaan sa Coral Ballroom ng Mall of Asia Arena.
“We are now in the runup to our Centennial celebration in 2024 that is why we wanted to give back to our community not just in bringing the games closer to our schools and loyal supporters, that is our students and communities, and in giving them excellent avenues where they can improve their lives by making the league stronger,” sabi ni Fr. Ortega.
Ilan sa aktibidad na nakikiya ng NCAA na makakapagpalapit sa liga sa mga tagasuporta nito ay ang “NCAA on Tour” na bibitbit sa mga laro ng liga sa loob mismo ng mga unibersidad at kolehiyo at ang pagdadagdag sa 3×3 basketball event at ang Kiddies League para sa mga estudyante na may edad 14-anyos pababa.
Ipinaliwanag rin ni Fr. Ortega na sa ika-100 taon ng liga ay magsasama-sama bilang host lahat ang 10 miyembro na eskuwelahan para sa pinaplano nitong pinaka-engrandeng selebrasyon at pinakamakulay na pagsasagawa ng pinakaimportanteng taon ng liga.
Magsisimula naman ang collegiate basketball season sa bansa sa paghaharap ng defending champion San Beda College at host school na San Sebastian College sa pagbubukas ng ika-93 na season ng NCAA men’s basketball sa Sabado, Hulyo 8, sa MOA Arena.
Sisimulan ng Red Lions ang pagdedepensa sa titulo kontra Stags sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Mapua Cardinals at Season 92 runner-up na Arellano University Chiefs sa alas-4 ng hapon.
Bago ang mga laro ay magkakaroon din ng isang engrandeng opening ceremony alas-12 ng tanghali para opisyal na buksan ang bago nitong taon na may temang “NCAA Strong@Season 93.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.