Palengke pinasabugan | Bandera

Palengke pinasabugan

John Roson - May 22, 2017 - 01:10 PM
sultan kudarat Niyanig ng pagsabog ang public market ng Isulan, Sultan Kudarat,  kaninang umaga, ngunit walang naiulat na nasugatan, ayon sa pulisya. Naganap ang pagsabog sa labas lang ng palengke sa Brgy. Kalawag 3 dakong alas-2, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police. Bago ang pagsabog, isang grupo ng mga di pa kilalang lalaki ang namataang nag-iiwan ng bag sa lugar, aniya. Naispatan ng security guard ng palengke ang mga lalaki ala-1:37 at sinita, ngunit nagtakbuhan ang mga ito at sumakay ng isang motorsiklo, ani Galgo. Kinokordonan ng mga pulis at barangay tanod ang lugar habang hinihintay ang Explosives and Ordnance Disposal team na iinspeksyon sa bag, nang maganap ang pagsabog, aniya. Sinabi sa isang ulat sa radyo na natukoy nang improvised explosive device ang pinagmulan ng pagsabog, ngunit sinabi ni Galgo na di pa nakapagsusumite ng ulat ang EOD team. Inaalam pa rin ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga nag-iwan sa bag, aniya. Naganap ang pagsabog apat na araw lang matapos makasagupa ng mga sundalo’t pulis ang isang armadong grupo sa kasukalan ng Brgy. Bual, Isulan, noong Huwebes. Sampung miyembro ng grupo, na pinamunuan ng isang Commander Dimas alyas “Dragon,” ang napatay habang walo pa at isang kawal ang nasugatan, ayon sa militar. (John Roson) – end –

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending