Male singer inabuso ang katawan, hirap na hirap nang kumanta
MARAMING nagpapatunay na kahit tumanda na ang isang singer ay hindi nagbabago ang kanyang boses. Katawan lang daw ang nagkakaroon ng pagbabago pero ang boses ay ganu’n pa rin.
Nangyayari naman ‘yun sa mga kilalang singers, nagkakaedad na sila, pero ang kanilang boses ay hindi nagbabago. Kung ano ang kanilang boses nu’ng mga nakararaang taon ay ‘yun pa rin ang naririnig ng audience nila ngayon.
Pero pansin na pansin ng mga kababayan natin na hindi ‘yun totoo sa isang male singer na super-sikat nu’ng kanyang panahon. Magaling siya, mataas ang tono ang kanyang boses, kaya nga siya sumikat nang todo.
Marami siyang pinasikat na piyesa na hanggang ngayon ay pinatutugtog pa rin sa radyo, makinis na makinis ang timbre ng kanyang boses, na napakalayo na sa boses niya ngayon.
Hirit ng isang source, “Ibang-iba na ang boses niya ngayon. Nawala na ‘yung tatak na kanyang-kanya lang. Wala na kahit ang anino ng boses niya na talagang hinangaan ng publiko.
“Inabuso niya naman kasi ang katawan niya. Kung anu-anong bawal ang ginawa niya. Alam niya naman na makaaapekto ‘yun sa profession niya, pero sige pa rin siya nang sige!” simulang reaksiyon ng impormante.
Kailan lang ay naging guest sa isang variety show ang male singer. Nakasabay niyang kumanta ang mga mas batang singers kesa sa kanya.
Balik-kuwento ng aming source, “Wala na, hindi na niya kayang bumirit na tulad nang dati! Hirap na hirap na siya, parang kailangan na niyang lumipad, maabot lang niya ang matataas na tono!
“At heto pa! Mali-mali na nga ang pasok niya, hindi na rin niya kabisado ang mga lyrics ng mga kantang siya mismo ang nagpasikat! Talagang hirap na hirap na siya!
“Kailangan na siguro niyang mag-retire, bigyan na niya ng pahinga ang boses niya, dahil nakakaawa na siyang panoorin.
“Naku, Bradly Guevarra at lalo na kayo, Tita Nene Ulanday, paborito n’yo pa naman ang mga songs niya. Sa palagay n’yo, may bukas pa kaya para sa kanya?” pagtatapos ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.