Ai Ai napaiyak sa harap ng press; sunud-sunod ang hinarap na pagsubok
HINDI napigilan ni Comedy Queen Ai Ai delas Alas ang mapaiyak nang humarap siya sa entertainment press kahapon para sa ginanap na thanksgiving presscon ng blockbuster movie na “Our Mighty Yaya” under Regal Entertainment.
Inamin ni Ai Ai na dumating na rin siya sa point noon na nais na niyang mag-quit sa showbiz dahil sa sunud-sunod na pagsubok na dumating sa buhay niya noon, “Kasi mga three or four years ago, dumaan ako sa maraming pagsubok. Namatay ‘yung nanay ko, flop ‘yung movie namin, mahirap tanggapin ‘yun, tapos naihiwalay ako sa asawa ko.
“Lahat sunod-sunod na nangyari. So, sabi ko sa sarili ko, may nagawa ba akong hindi maganda? Baka hinampas ako ni Lord, di ba? Pero nu’ng nasasaktan ako nu’ng time na ‘yun, tinatanong ko siya Lord, ‘Bakit, ano’ng nagawa kong masama? Bakit nangyari sa akin ito?”
“Kaya ako emosyonal kasi ito ‘yung sagot. Anak, maghintay ka lang kasi lahat ibabalik ko sa ‘yo sa tamang panahon,” paliwanag ng komedyana habang tumutulo ang luha.
Dugtong pa ni Ai Ai, “Actually, ‘yun talaga ang totoo kong plano kaya ako bumili ng bahay sa Amerika after ng lahat ng pangyayari sa buhay ko, pati sa family ko at sa marriage ko, dapat hindi na ako mag-aartista. Pupunta na lang ako sa Amerika. Doon na lang ako sa mga anak ko until nag-usap kami ni Boy (Abunda) para sa APT(Productions) hanggang mapunta ako sa GMA at nag-Sunday PinaSaya ako. ‘Yun ang nangyari.”
Kaya todo ang pasasalamat niya sa mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde dahil binigyan uli siya ng chance na makapagpasaya ng mga tao sa pamamagitan ng “Our Mighty Yaya”, “Actually, kaya ako naiiyak ngayon kasi nawalan na ako ng kompiyansa sa sarili ko. Kaya ako naging emosyonal dahil may mga naniniwala pa pala sa akin at marami ang tumutulong sa akin para mapanatili sa posisyon ko sa showbusiness.”
Humirit naman si Mother Lily pagkatapos magsalita ni Ai Ai, “You know what, Ai Ai? Thank you for making me rich again.”
Ibinalita ng Regal matriarch na kumita na ng P35 million “Our Mighty Yaya” sa mahigit isang linggong pagpapalabas nito sa mga sinehan at patuloy pa ring pinipilahan. Kasama rin sa movie sina Megan Young, Zoren Legaspi, Sofia Andres, Kiko Nicolas, Lucas Magallano, Alysson McBride at Beverly Salviejo, sa direksyon ni Jose Javier Reyes.
In fairness, may karapatan namang maging blockbuster ang “Our Mighty Yaya” dahil maganda talaga ang pelikula at hindi masasayang ang pera n’yo. Kaya sa mga hindi pa nakakapanood, may time pa kayo para ma-enjoy ang pelikula dahil sure na sure kami na hindi kayo magsisisi. At hindi na kami magtataka kung magkakaroon pa ito ng part 2.
Samantala, nagsalita rin si Ai Ai tungkol sa napabalitang pagbabalik niya sa ABS-CBN, at ayaw na raw niyang mag-renew ng kontrata sa GMA 7. Aniya, may regular show pa rin siya sa GMA, ang Sunday PinaSaya at ang sitcom nila ni Vic Sotto.
“So if ever, kahit hindi naman ako mag-renew, mga shows ko, nasa GMA 7 pa rin. Hindi naman sa ayaw, kung pwedeng mag-freelance muna ako. Kasi more of movie naman ang ginagawa ko, eh,” ani Ai Ai. “If pwede ‘yung ganu’n (freelance). Hindi ko iiwan ang Sunday PinaSaya pero pwede akong mag-soap sa kabila (ABS-CBN), gusto kong ganu’n. Gusto ko kasing mag-soap, eh,” sey pa ni Ai Ai.
Nang tanungin kung game ba siyang makasama uli sa trabaho si Kris Aquino, ito ang sagot ni Ai Ai, “Kailangan ba, parati siyang kasama sa tanong?”— EAS
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.