MAY mga napatalon sa kanilang upuan nang malaman na binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon laban kay Janet Lim Napoles kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa ni Benhur Luy.
Binaliktad ng CA ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court na dahilan kung bakit nakakulong si Napoles sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.
Pero hindi nangangahulugan na makalalabas na ng kulungan si Napoles. Mayroon pa kasi siyang ibang kinakaharap na mga kaso na walang piyansa.
Si Napoles ay nakakulong dati sa Camp Bagong Diwa kung saan naroon ang ilan sa mga akusado sa pork barrel fund scam.
Walang kinalaman ang pork barrel scam (pero may koneksyon) sa kasong serious illegal detention. Ang sabi kasi ikinulong daw si Luy para hindi maisiwalat ang kanyang nalalaman sa pork barrel scam.
Noong panahon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III, may alegasyon na ang kinasuhan lamang kaugnay ng pork barrel scam ay ang mga malayo sa kusina.
Ang mga malapit sa kusina ay pinaligtas umano. At sila ngayon ang nababadyang tamaan kapag kumanta si Napoles.
Ang kinatatakutan umano ng marami ay kung magtututuro si Napoles at lumatay ito sa mga dilawan.
At ang worst case scenario, baka gamitin pa si Napoles na state witness kung mapapatunayan niya na hindi siya ang most guilty, na hindi siya ang mastermind sa scam kundi tauhan lamang.
Ang problema lang ay aamin na siya at kailangan niyang bawiin ang mga sinabi niya dati na wala siyang kinalaman sa scam.
Sa isang kapiranggot na panayam kay Napoles ilang buwan na ang nakakaraan, inakusahan nito ng extortion si Sen. Leila de Lima, na justice secretary ng isampa ang kasong serious illegal detention.
Mayroon umanong humihingi ng pera sa kanya kapalit ng pagbasura ng DOJ sa kaso.
May mga malilikot ang isip na nagsabi na baka gamitin ang statement ni Napoles sa extortion para palabasin na gumagawa ng pera si de Lima gamit ang kanyang puwesto.
Gagamitin itong suporta upang palakasin ang alegasyon at kaso ng gobyerno laban kay de Lima kaugnay ng pagtanggap umano nito ng pera mula sa drug lord ng New Bilibid Prison.
Nakakulong si de Lima ngayon dahil sa pagtanggap daw ng drug money na ginamit niya para pagulungin ang kanyang kampanya at maging senador.
At isa pang tanong, paano raw yung mga dating dilawan na kakampi na ngayon ng Duterte government? Masasama raw kaya sila o ligtas pa rin?
Kung ano man ang mangyayari sa teleserye ni Napoles ay atin na lamang abangan.
***
May mga nakapaskil ngayon sa San Mateo kaugnay ng mga huli nila sa paglabag sa batas trapiko. Palakpakan, nanghuhuli na sila.
Pero sana ay dalas-dalasan dahil marami pa rin ang mga lumalabag na hindi pinapansin ng mga traffic enforcer.
Pangunahing paglabag ang kawalan ng helmet ng mga naka-motorsiklo. Ilang tarpaulin ang nakalagay sa kahabaan ng General Luna st., na bawal ang walang suot na helmet pero hindi naman sila hinuhuli.
Bukod dito, parang kinukunsinte pa ng mga traffic enforcer ang ilang tumatawid sa hindi tamang tawiran. Sa halip na ituro sa mga tumatawid na gamitin ang pedestrian lane, minsan pinapahinto pa nila ang mga sasakyan para sa mga tumatawid sa maling lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.