IBANG-iba na talaga ang takbo ng mundo ngayon. Pati na ang pag-uugali ng tao ay lalong nagiging marahas na.
Isang OFW ang pinatay ng sarili nitong pamangkin sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, bunsod lang sa utang.
Napabalita kasing sinisingil ng tiyahin ang kanyang pamangkin sa pagkakautang nito.
Nakalulungkot talagang mabalitaan ang ganitong mga insidente. Sariling kadugo pa ang siyang kumitil sa buhay ng kaawa-awa at walang kalaban-laban na tiyahin.
Tiyak na lumikha ito ng kakaibang galit at pagkakabaha-bahagi sa kanilang pamilya.
Hindi na talaga makapagpigil ang tao ngayon. Kapag nagagalit, pinakakawalan ito hanggang sa puntong nakakapatay pa sila. At sa bandang huli, sila naman ang magdurusa sa kanilang nagawang kasalanan.
Iyan din naman kasi ang problema kapag nagpapautang. Madaling mangutang ang tao, ngunit pahirapan naman kapag oras na nang bayaran. Galit pa ang mga ito kapag nasisingil.
Ganito ang maraming kaso ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang dating magkakaibigan, nagkakasira nang dahil sa pera.
May ilang gagamitin pa nila bilang guarantor upang makautang lamang. At kapag hindi na ito nakapagbabayad, sadya rin nilang tatalikuran iyon at basta na lamang uuwi ng Pili-pinas.
Ni ha, ni ho, wala man lang awang iiwan ang taong nakatulong sa kaniya, at hahayaan papanagutin ito sa kanyang utang.
Ang mga kapamilya naman ng OFW, wala ring pakundangan kung mangutang. Palibhasa alam nila na may regular na dolyar na dumarating mula sa abroad, halos wala ring patid ang pa-ngungutang ng mga ito.
Dahil sa hiya, pagbibigyan muna sila. Kapag tinatanggihan na, magsisimula na iyon upang magalit ito sa kanila.
At ang pinakamatindi pa, para makaganti dahil sa pakiramdam nila, tinitikis na sila ng kapamilyang OFW, magsisimula na ang mga itong gumawa ng mga kuwentong-kutsero upang makapanirang-puri sa kaanak.
Bakit nga ba naman, kapag hindi napagbigyan sa kanilang inuutang, maninirang puri na ang mga ito.
Sasabihin pang nagmamayabang na kasi dahil may nagtatrabaho na sa kanila sa abroad.
Nakakalimutan din yata nilang nagpapakahirap ang mga OFW na maghanap-buhay sa ibayong dagat upang itustos sa pamilya at hindi upang ipautang lamang sa kaanak, lalo pa sa mga walang planong magbayad dahil iniisip nilang marami naman silang dolyar pang darating.
Matuto naman sana tayong magbanat ng buto. Hayaan nating tayo ang makinabang sa mismong pinagpaguran natin at huwag naman ang pinagpaguran ng iba.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.