KADALASAN ay hindi nakikita ang mga senyales ng heart attack, kaya nga tinawag itong “silent killer.
Hindi ito kagaya ng mga napapanood sa telebisyon, na ‘pag may inaatake sa puso, ang kasunod ay puno na ng drama. Ang heart attack ay hindi isang drama.
Merong mga tao na inaatake na sa puso pero parang wala namang nangyayari sa kanya.
Pero ang madalas na sintomas o senyales ng pag-atake ay ang matinding paninikip ng dibdib, kinakapos nang hininga o nahihirapang huminga habang naglalagkit at tumatagaktak ang pawis na malamig.
Sa sandaling di madala agad sa ospital ang inaatake, posibleng magdulot ito ng kamatayan.
Meron din naman at bibihira itong mangyari ay ang pagsusuka at matinding pagkahilo. Ang iba naman ay nakakaranas ng matinding pagkahapo. Minsan ang iba ay walang nararamdamang paninikip ng dibdib pero may kakaibang “feeling” sa upper part ng kanilang katawan. Andiyan na nanakit ang likod, batok at maging ang panga.
Meron naman na nakakaranas na parang merong nakabara sa lalamunan habang ang bigat ng feeling ng mga braso.
Kung ganito na ang inyong nararamdaman, mabuting magpasuri agad sa doktor na malapit sa inyo.
Anong dapat gawin kung may inaatake sa puso?
HINDI dapat mataranta sa sandaling may kasama ka na sa tingin mo ay inaatake sa puso.
Narito ang dapat mong gawin:
- Paupuin ang kasamang i-naatake sa puso, hayaan makapagpahinga, at pakalmahin.
- Paluwagin ang mga suot na damit — alisin ang sinturon, i-unbutton ang damit pantaas para mas makahinga ng maluwag.
- Tanungin kung meron siyang dalang ano mang chest pain medication gaya ng nitroglycerin, para sa kanyang heart condition, at ipainom ito sa kanya.
- Kung ang chest pain ay hindi matanggal sa loob ng tatlong minuto matapos mapainom ng nitroglycerin, tumawag na ng emergency medical help.
- Kung nawalan naman ng malay, tumawag na ng ambulansiya, at i-CPR na ang pasyente.
- Kung ang inaatake ay bata ang nawalan ng malay, i-CPR ito sa loob ng isang minuto. —MedLinePlus
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.