YAN ang susunod na tatahakin ni Manny Pacquiao, ang best pound-for-pound boxer in the world, pagkatapos talunin sa 12th round si Miguel Cotto, ng Puerto Rico.
Bago simulan ni Pacquiao ang training para sa “Firepower” match niya kay Cotto, maraming ipinatayong proyekto si Pacquiao sa Sarangani, kung saan siya tatakbo bilang kinatawan para sa Kamara. Maliban na lang kung magbago ang isip niya at makumbinsi siyang tumakbo pagka-senador para palakasin ang linya ng partido ng administrasyon, na pamumunuan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Sa paglilibot at kampanya ni Teodoro, isasama rin naman si Pacquiao, na tatakbo sa kanyang distrito sa ilalim ng kanyang partido, kung igigiit niya ito, na kaalyado ng administrasyon. Ikakampanya ni Pacquiao si Teodoro, maliban na lang kung may mangyari pagkatapos ng grand welcome at victory party.
Kung kasama si Pacquiao sa mga kampanya kay Teodoro, “he might as well run as senator,” anang source ng Bandera sa Lakas-Kampi-CMD.
Pero, opinyon lang ito ng ating source at di siya nagsasalita para sa partido at sa pinuno nito, na mismong si Teodoro.
Eh, ano naman, kung tatakbong senador si Pacquiao ng administrasyon? Iba ang tanawin nang tumakbo siya sa distrito ng South Cotabato at tinalo siya ni Darlene Custodio. Masyadong lokal ang isyu at nakita niya ang tunay na mga tao sa kanyang paligid. Nakita niya ang mga suwail, na una’y itinuring niyang kaibigan niya at binigyan pa ng lubos na tiwala.
Kung di man personal na makadadalo si Pacquiao sa kampanya, lalabas ang sari-saring video recordings na ineendorso ni Pacquiao ang ilang mga kandidato, na siyempre ay kakampi ng malalapit sa kanya.
Malapit ba sa kanya si Noynoy Aquino? Si Joseph Estrada? Si Manny Villar? Wala pang makapagsasabi
ng tapos sa panahong ito. Malalaman natin yan pagkatapos ng grand welcome at victory party.
Pero, pagkatapos ng laban kay Cotto, tiyak na ang tatahakin ni Pacquiao, bagaman maaari pa siyang lumaban bago mag-eleksyon. Lumaban man siya, di siya makaaalis sa fiesta ng eleksyon.
At tiyak na kasali siya, sa ayaw at sa gusto ng oposisyon.
BANDERA Editorial, 111609
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.