BANDERA Sports Mythical Team | Bandera

BANDERA Sports Mythical Team

Dennis Christian Hilanga - April 21, 2017 - 09:30 PM

bandera-12

PAPALO na bukas ang mainit na Final Four wars ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kung saan unang maghaharap ang  nagtatanggol na De La Salle University Lady Spikers at UST Tigresses bago ang sagupaan ng top seed Ateneo Lady Eagles at mapanganib na FEU Lady Tamaraws sa Linggo.
Bago pa man pormal na ianunsyo ang mga top individual performers ng season ay pumili na ang BANDERA ng pito na hindi lang humataw base sa statistics kundi nagpamalas din ng ‘extra-effort’ upang tulungan ang kampanya ng kani-kanilang koponan.
Narito ang 2017 BANDERA Sports Mythical Team ng UAAP women’s volleyball.

JULIA MELISSA ‘JIA’ MORADO (Setter, Ateneo de Manila University)
Sabihin na nating siya ang konduktor sa isang orkestra.  Bakit hindi? Si Morado ang susi kung bakit Ateneo ang may pinakamataas na spiking percentage sa liga at ito ay dahil sa magagandang set ni Morado sa kanyang mga hitters. Siya rin ang top setter ngayon, isang dahilan kung bakit tinapos ng Lady Eagles ang elimination round na may 12-2 karta para upuan ang unang puwesto. Maging si Ateneo assistant coach Sherwin Meneses na dati ring setter ay labis na namamangha sa husay ni Morado kung saan sinabi pa nito na ang instinct ng 21-anyos na Psychology major bilang setter ay katangi-tangi kumpara sa iba kung saan ang pangit na reception ay naibabaling pa niya tungo sa magandang play.

ALYJA DAPHNE ‘JAJA’ SANTIAGO (Middle Blocker, National University)
Bagaman bigong makausad sa Final Four matapos yumuko sa UST sa limang dikdikang sets, hindi maitatangging si Santiago ang pinakamatinik na blocker sa liga ngayon at siyang haligi ng National University. Impresibong binuksan ni Santiago ang kampanya ng Lady Bulldogs nang itala ang 3-0 start bago makalasap ang koponan ng mga pagkatalo sa kalagitnaan ng season. Sa pamumuno ni Santiago, tanging NU lang ang tumalo sa top-seed Ateneo — dalawang beses pa. Gayunpaman, hindi tiyak ng 6-foot-5 skipper at kasapi ng 25-man women’s national volleyball team pool kung maglalaro pa siya sa kanyang ikalima at huling taon matapos ang emosyonal na kabiguan ng NU na isa sa mga preseason favorites na magkakampeon.

MARY JOY BARON (Middle Blocker, De La Salle University)
Isa si Mary Joy Baron sa naging sandigan ng De La Salle University sa magandang takbo ng defending champion sa Season 79 lalo na sa pagdepensa sa net. Kumapit ang Lady Archers kay Baron laban sa UST sa second round matapos ma-sprain si Kim Dy kung saan sila nagwagi para sa 11-2 karta at umibabaw sa team standings bago lumuhod sa karibal na Ateneo sa huling laro ng elimination. Kung itutuloy ng 4th year blocker ang mahusay na paglalaro, siguradong sa kanyang kamay muli mahuhulog ang Best Blocker award.

KIM KIANNA DY (Opposite Spiker, De La Salle University)
Malaki ang nakaatang na responsiblidad sa balikat ni Kim Kianna Dy ngayong season lalo’t nagsipagtapos na sina Ara Galang, Cyd Demecillo at Mika Reyes. Hindi naman binigo ng dating Finals MVP ang La Salle dahil sa mahusay na ipinapamalas kaya naman hindi kataka-takang nagtapos ang Lady Spikers tangan ang 11-3 kartada. Siya rin ang leading scorer ng koponan at pinakamatikas na opposite hitter ng torneo na tiyak gagamiting advantage ng DLSU upang mapanatili ang korona sa Taft. Napabilang din si Dy sa 25-man selection ng pambansang koponan na maghahanda para sa 29th Southeast Asian Games sa Agosto.

BERNADETH PONS (Outside Spiker, Far Eastern University)
Scorer o libero? Pwedeng both. Hindi lang sa opensa maaasahan ng FEU si Bernadeth Pons kundi maging sa paghabol ng bola. Sa katunayan, kabilang siya sa listahan ng Best Diggers na ‘playground’ ng mga libero at setter. Ang kanyang two-way na abilidad ang tumulong sa Lady Tamaraws na muling makapasok sa Final Four nang patalsikin ang UP gamit ang three-set victory. Tumapos ang 4th year standout ng 12 puntos, walong excellent digs at anim na excellent receptions. Tiyak na aasahan ng FEU si Pons sa semis kung saan tangka ng koponan na makaiskor ng upset laban sa Ateneo na may twice-to-beat advantage. Hindi pa nananalo ang Morayta-based squad sa Lady Eagles sa nakalipas na walong laro ng dalawang koponan kaya naman uhaw si Pons at ang Lady Tamaraws na manalo.

ENNAJIE ‘EJ’ LAURE (Outside Spiker, University of Santo Tomas)
Ang tigreng nasusugatan lalong tumatapang. Tila ito ang naging sigaw ni EJ Laure na imbes lisanin ang sahig matapos masaktan ang kanang bukung-bukong sa mga panapos na sandali dahil sa masamang pagkakabagsak — kung saan dalawang puntos na lamang ang kailangan ng University of Santo Tomas para sa huling semis seat — ay hindi umayaw hanggang sa dulo. Pinamunuan ni Laure ang laban sa kabila ng sakit upang itakas ng UST ang dramatikong panalo laban sa NU at muling makabalik sa Final Four matapos ang apat na taon. Siya rin ang susi sa mahalagang four-set win ng UST laban sa FEU sa second round kung saan sila umangat para sa 7-4 card na krusyal lalo’t naghahabol sila ng puwesto. Ang anak ng dating PBA player na si Eddie Laure ang siyang muling sasandalan ng UST katuwang si Cherry Rondina kontra DLSU.

DAWN NICOLE MACANDILI (Libero, De La Salle University)
Pinatunayan ni Dawn Macandili na kaya niyang makipagsabayan sa mas matatangkad na manlalaro sa liga. Sa taas na 5-foot ay siya ang nagsisilbing sentro ng depensa ng La Salle na naging susi sa mga tagumpay ng koponan. Sisiw na nga lang para sa senior Lady Spiker na habulin ang bola sa kahit anong paraan upang pigilang makaiskor ang katunggali kaya minsan na rin siyang tinanghal na All-Filipino Conference MVP ng Philippine Super Liga. Dahil sa malupit na paglalaro ay hindi malabong mauwing muli ng tinaguriang ‘Ms. Everywhere’ ang Best Libero, Digger at Receiver award. Katulad ng kakamping si Kim Dy, isa rin si Macandili sa 25 manlalaro na pagpipilian
upang maging bahagi ng national team na makikipagtagisan sa 2017 SEA Games. — Dennis Christian Hilanga

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending