Patay ang isang lalaki habang apat pa katao ang sugatan nang sumalpok ang 10-wheeler truck sa isang bahay sa Sarrat, Ilocos Norte kahapon, ayon sa pulisya.
Isinugod pa sa ospital ang driver ng trak na si Edwin Banao, 57, pero di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Ilocos Norte provincial police.
Sugatan naman ang apat kataong nasa bahay, na nakilala bilang sina Jhon Ballesteros, 47; Marie Jane Ballesteros, 23; Cecile Marie Ballesteros, 18; at Marielle Angel, 3.
Naganap ang insidente dakong alas-12:10 ng tanghali, sa bahagi ng National Road na sakop ng Brgy. 5.
Minamaneho ni Banao ang trak patungong kanluran, at nang marating ang isang kurbada’y sumalpok sa bahay na pag-aari ni Auby Racela.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bumilis ang andar ng trak habang dumadaan sa kurbada, ayon sa ulat.
Sa lakas ng impact ay nawasak ang bahay at harap ng trak.
Isinugod si Banao, pati ang apat na taong nasa loob ng bahay, sa Gov. Roque Ablan Sr. Memorial Hospital ng Laoag City, pero idineklarang dead on arrival ng doktor ang truck driver.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending