Swimming ng barkada, natigil sa bangkay na bumalandra
John Roson - Bandera March 15, 2017 - 05:47 PM
Naantala ang pagsi-swimming ng isang grupo ng kabataan nang makatagpo
sila ng bangkay sa dinayo nilang creek sa Asingan, Pangasinan, Martes
ng hapon.
Natagpuan ng isang grupo ng mga estudyante ang bangkay ni Robert
Molina sa bahagi ng creek na nasa Zone 7, Brgy. Coldit, dakong alas-3,
ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Sadyang nagtungo ang mga estudyante doon para mag-swimming, nang
mapansin ang bangkay na lumulutang sa creek, ayon sa ulat.
Nagtanung-tanong ang Asingan Police sa mga kalapit na bayan tungkol sa
pagkakakilanlan ng bangkay, hanggang sa makilala ito bilang si Molina,
isang tindero ng isda na residente ng katabing bayan ng San Manuel.
Napag-alaman na noong Martes ng umaga’y naiulat sa San Manuel Police
na nawawala si Molina.
Sinabi sa pulisya ng kanyang mga kamag-anak na huling nakita si Molina
na naliligo habang lasing sa bahagi ng creek na malapit sa kanyang
bahay sa Brgy. Cabaritan alas-5:30 ng hapon Lunes.
Nakalagak ngayon ang mga labi ni Molina sa isang punerarya sa Asingan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending