SA kanyang mga talumpati ay paulit ulit na sinasabi ng pangulo na walang kurapsyon sa kanyang pamahalaan.
Naniniwala ako rito pero kailangan niyang bantayan ang kanyang mismong mga tauhan dahil hindi lamang sa pagkuha sa pera ng pamahalaan nagsisimula ang kurapsyon.
Kasama na rito ang panggugulang sa mga taong tumutulong sa mga proyekto ng administrasyong ito.
Kamakailan ay nagpunta sa Cebu si Pangulong Rodrigo Duterte para pangunahan ang pagbubukas ng isang major infrastructure project doon.
Dahil nagtitipid ang pamahalaan, private sector na ang sumagot para sa kanyang bullet proof na SUV pati na rin ang sasakyan ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).
Wala namang problema dahil sagot ito ng principal ng proyekto pero may ilang tauhan ng Presidential Management Staff (PMS) ang dapat kastiguhin ng kanilang amo.
Alam mo ba Sec. Bong Go na sa isang five star hotel nagpumilit na mai-book ang dalawa sa iyong mga staff.
Nagulat ang ilang hotel staff dahil mamahaling kwarto pa ang pinili ng dalawa gayung pwede naman sila sa mas murang accommodation lamang.
Sinabi ng aking Cricket na dalawang araw na naka-check-in sa hotel ang dalawa at walang ginawa kundi mag-order ng mga mamahaling pagkain doon.
Namili rin sila ng ilang mga pasalubong sa loob ng hotel samantalang mas makakamura sila kung sa labas sila bibili ng mga ito.
Dahil sa hotel na rin naman sila namili, sinabi ng ating Cricket na doon na rin nila isinama sa bill ng kanilang kwarto ang kanilang ipinamili.
Kaya ng mag-checkout ang mga ito ay umabot sa P75,000 ang kanilang kabuuang bill para sa dalawang araw lamang.
Paano nga naman gaganahan na mag-invest ng negosyo sa bansa ang mga negosyante kung merong ganitong tauhan ang gobyerno na nagsasamantala sa pwesto.
Wala sa liit o laki ng halaga ang pinag-uusapan dito kundi ang pagsasamantala sa tungkulin na ipinagkatiwala sa kanila ng administrasyong ito na nagsasabing galit sa katiwalian.
Alam kaya ni Sec. Bong Go ang kalokohang ito ng dalawa sa kanyang mga tauhan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.