HINDI pa rin nahihinto ang isyu ng pagtatangi ng lahi maging sa usapin ng pasuweldo sa kanilang mga manggagawa.
Ayon sa International Transport Workers Federation (ITF), sa ginawang imbestigasyon ng mga pro-seafarers group at mga kinauukulan sa United Kingdom, napag-alamang hindi sapat ang ibinibigay na pasahod sa ating mga Filipino seafarers.
Sa ilalim ng batas ng UK, ang mga manggagawang may 25 taong gulang pataas ay kinakailangang kumita ng minimum na 7.20 pounds per hour at tinatayang tataas pa sa 7.50 pounds per hour sa darating na Abril.
Napag-alaman ng ITF na may mga ilang Filipino seafarers na tumatanggap lamang ng 2-3 pounds per hour.
Ayon pa sa report, maraming kumpanya sa UK ang kumukuha na lamang ng ibang lahi sa halip na UK nationals dahil maaari naman ‘anyang suwelduhan pala nila ng mas mababa ang mga iyon kung ikukumpara sa ibang lahi.
Sigaw ng ilang mga pro-seafarers group na itigil na ang ganitong uri ng eksploytasyon sa ating mga seafarer.
Nakalulungkot na nangyayari pa rin pala ito. Bakit nga naman tipong mga Asyano ang nabibiktima rito?
Isipin pa, mas malaking bilang ng mga Filipino seafarers ang bumubuo sa hanay ng maritime industry sa buong mundo.
Mabuti naman at nabigyan ito ng pansin ng mga kinauukulan.
Totoong hindi naman matatawaran ang kakayahan ng ating mga Pinoy seafarers. Maging ang mga foreign principal saan man sa mundo, Pinoy ang kanilang hinahanap.
Pangunahing katangian ng ating mga seafarer ang kanilang galing sa paggamit ng wikang Ingles, madaling matuto, bukod pa sa madali rin silang makibagay at marunong makisama.
Hindi rin pahuhuli sa mga pagsasanay ang ating mga marino. Tuloy – tuloy at mas pinaigting na mga programa ng pamahalaan ang siyang ibinibigay sa kanila.
Sa tuwing bababa sila ng barko sa mga panahon ng kanilang pagbabakasyon, kailangang magdagdag pa sila ng kaalaman at kasanayan.
Tiyak naman na mas handa at hitik ng bagong kasanayan ang marinong muling sasakay ng barko para sa panibago nitong kontrata.
Magkaroon naman sana ng konsiderasyon ang mga foreign principal na huwag namang binabarat ang ating magagaling na mga seafarer.
Palibhasa alam nilang nangangailangan ang mga iyon ng trabaho kung kaya’t kahit napakababang pasuweldo, tiyak namang tatanggapin nila iyon.
Kung sakaling nangyayari naman ito sa ating mga kababayan, huwag silang mangiming magsumbong. Dahil kung hahayaan nila ito, patuloy lamang silang nagpapa-abuso at mas marami pang mga kapwa marino ang maaabuso.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali) may audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.