Mocha namumuro na; inirereklamo ng mga artista
Cristy Fermin - Bandera February 23, 2017 - 12:05 AM
KAILANGAN nang pumosisyon sa tamang lugar ang bagong board member ng MTRCB na si Mocha Uson. Sa kagustuhan niyang baguhin ang sistemang umiiral sa ahensiyang pinasukan niya ay marami na siyang nasasaktan at nasasagasaan.
Umaalma na ang mga artista, sobrang sinasagasaan na niya pati ang trabaho ng mga direktor, tinatawag niyang basura ang mga palabas na hindi ayon sa kanyang panlasa.
Agad-agad ay maglilitanya na si Mocha sa kanyang social media blog, kuda na siya nang kuda du’n na wala namang direksiyon, sa halip na ilatag ang mga gusto niyang mangyari sa pagmimiting ng mga taga-MTRCB ay agad na siyang nakasumbong sa taumbayan lalo na sa kanyang mga ka-DDS daw.
Kakampi kami ni Mocha sa magagandang pangarap niya sa ahensiyang ipinagkatiwala sa kanya bilang board member ni Pangulong Digong, pero kapag ganyan naman na sobra na sa kailangan lang ang kanyang mga pinaggagagawa, teka naman muna.
Nandiyan ang kanyang mga kapwa board members, may ginaganap namang meeting ang ahensiya para talakayin ang mahahalagang paksa tungkol sa kanilang linya, bakit hindi na lang du’n magngangawngaw si Mocha!
‘Yun ang pinakatamang venue para sa mga gusto niyang mangyari, walang magagawa ang mga kuda niya sa social media, dahil pinagpipistahan lang siya du’n na wala namang kakambal na aksiyon.
Dahan-dahan lang, medya-medya lang ang pag-oopinyon, dahil hindi pa naman hawak ni Mocha Uson ang karapatan para manglibak ng mga proyektong pinagsusunugan ng kilay ng buong produksiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.