5 patay, 5 sugatan sa pamamaril, pagsabog sa Zamboanga Sibugay‎ | Bandera

5 patay, 5 sugatan sa pamamaril, pagsabog sa Zamboanga Sibugay‎

John Roson - February 10, 2017 - 01:38 PM
zamboanga del norte Lima katao ang nasawi at lima pa ang nasugatan nang paulanan ng bala ang isang police patrol car at pasabugan ng granada ang isang tindahan sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay, Huwebes ng gabi, ayon sa pulisya Biyernes. ‎ Napatay sa pamamaril sina Emeristo Bastasa, Raymart Tena, Asser Mangan, isang “Calib-ug,” at Delia Pagador, sabi ni Supt. Rogelio Alabata, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police, nang kapanayamin sa telepono. ‎ Nagtamo rin ng mga tama ng bala sina Agnes Abcede Mangan, Syra Mangan, Marisa Cumbal Bucan, at Alex Angoon kaya ginagamot sa ospital, habang si Ryan Dumadag Francisco ay nasugatan sa pagsabog ng granada, ani Alabata.‎ ‎ Naganap ang pamamaril dakong alas-10:45 sa isang repair shop sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Cainglet. Nag-iinuman sina Bastasa, Tena, Bucan, Angoon, Pagador, ang mga Mangan, at si “Calib-ug” sa likod ng police patrol car, nang paulanan ng bala ng mga lalaking naka-motorsiklo at armado ng M16 rifle, ani Alabata. ‎ Ipinapaayos ang patrol car, na nakarehistro sa Payao Police Station, kaya nasa naturang shop, aniya. Dead on the spot sina Bastasa, Tena, Asser Mangan, at “Calib-ug” dahil sa mga tama ng bala. Dinala ang iba pang biktima sa Pathfinder Hospital sa Brgy. Lumbayao, pero kinailangang ilipat sina Pagador, Bucan, at Angoon sa Provincial Hospital sa bayan ng Ipil dahil sa matinding pinsalang tinamo. Idineklarang patay ng mga doktor ng Provincial Hospital si Pagador, ani Alabata. ‎ ‎ Matapos ang pamamaril ay agad tumakas ang mga salarin at naghagis pa ng granada sa isang tindahan sa Brgy. Salipyasin, aniya. ‎ Nagtamo ng bahagyang pinsala ang 19-anyos na si Francisco nang sumabog ang granada, ayon sa pulisya. ‎ Nang matunugan ang insidente’y nagpakalat ng tauhan ang Kabasalan Police para tugisin ang mga salarin, at pagkatapos ay inutos ni regional police director Chief Supt. Billy Beltran ang manhunt operation sa buong lalawigan, ani Alabata. ‎ Tumutulong na ang isang team ng mga sundalo sa paghahanap sa mga salarin, na nakasuot umano ng bonnet at sakay ng dalawang motor, sabi naman ni Lt. Col. Benedicto Manquiquis, public affairs officer ng Army 1st Infantry Division. ‎ Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaril at pagpapasabog ng granada, ani Alabata. (John Roson)

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending