Laylo, Bersamina wagi sa 5th round ng PSC International Chess Challenge
NAKAPAGTALA ng krusyal na panalo sina GM Darwin Laylo at IM Paulo Bersamina Huwebes
upang pagningasin pa ang nanghihinang kampanya ng bansa habang nanatili pa rin ang first leg champion na si GM Wang Hao ng China sa liderato matapos ang limang round ng Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge.
Binigo ni Laylo ang mapanganib na si Raja Harshit ng India sa 51 moves ng Queen’s Indian Defense habang tinalo ni Bersamina ang kababayan na si Catherine Secopito sa 53 moves ng Budapest upang makisalo sa grupo na nasa ikapitong puwesto na may tatlong puntos sa torneo na ginaganap sa Subic Bay Peninsular Hotel.
Kabilang din sa grupo sina GM Mark Paragua at Joey Antonio, na nakihati sa puntos kina Russian GM Anton Demchenko sa 37 moves ng Trompovsky opening at kay eighth seed GM Kirill Stupak ng Belarus sa 60 moves ng French Defense.
Tinalo naman ni Wang ang No. 4 na si GM Levan Pantsulaia sa 41 moves ng Siclian duel upang manatili sa solong liderato na may 4.5 puntos ssa nine-round na torneo na suportado ng PSC.
Ang No. 6 GM na si Vladislav Kovalev ng Belarus ay naungusan si IM Abhimanyu Puranik ng India sa 77 moves ng Ruy Lopez para umakyat sa solong ikalawang puwesto na may apat na puntos.
Si Pantsulaia ay nahulog sa pagtabla sa ikatlong puwesto kasama sina WGM Lei Tingjie ng
China, third seed GM Boris Savchenko ng Russia at No. 7 GM Merab Gagunashvili ng Georgia.
Tinalo ni Lei ang ninth seed na si GM Eugene Torre sa 41 moves ng Queen’s Pawn Torre Attack habang wagi si Savchenko kay IM Jan Emmanuel Garcia sa 67 moves ng Gruenfeld opening at si Gagunashvili ay dinaig si IM Tran Tuan Minh ng Vietnam sa 90 moves ng Nimzo-Indian showdown.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.