HUWAG kayong magulat kung uusbong ang pangalan ni Goldwin Monteverde (a.k.a. Mr. Gintong Panalo) sa mundo ng Philippine basketball.
Tahimik lang si Goldwin ngunit matitino at may sinasabi ang kanyang mga sagot sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa Usapang Sports.
Ginagawa ang talakayan tuwing Huwebes sa makasaysayang National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Bilang bonus sa mga nahuhumaling sa sports ay napapanood sa livestreaming ng Glitter at maging sa Facebook page ng Inquirer Bandera ang mga salpukan ng mga ideya na iisa naman ang hangarin — ang paunlarin ang Pinoy sports sa pamamagitan ng malayang talakayan sa iba’t-ibang isyu.
Matagal nang umaani ng paghanga ang anak ni Mother Lily sa larangan ng basketbol. Champion coach siya sa Palarong Pambansa, Tiong Lian Basketball League, Metro Manila Basketball League, National Basketball Training Center at marami pang iba.
Ngunit lalo pa siyang hinangaan ng mga miron at eksperto matapos niyang giyahan ang National University (Nazareth School) Bullpups sa kampeonato ng UAAP junior basketball.
Biruin n’yo nga naman, pinabagsak ng Bullpups ang paboritong Ateneo Blue Eaglets na pinangungunahan ni Kai Sotto.
Sa aking pagsusuri, isang dahilan ng pagtatagumpay ni Goldwin ay dahil hindi lang siya coach kundi nagsisilbi na ring ‘‘Father’’ ng mga Bullpups.
Ibig sabihin hindi lang husay sa basketbol ang paksa ni Goldwin kundi ang kabuuaang pag-unlad ng mga batang manlalaro.
Kasama na rito ang paghubog sa karakter ng mga manlalaro at pagtutok sa edukasyon. Malaking bagay din kay Goldwin ang disiplina at ang pagtuturo sa isang manlalaro sa kahalagahan ng teamwork.
Dahil sa kanyang angking galing at husay, hindi na nakagugulat na maraming mga koponan sa kolehiyo ang nagnanais na makuha ang serbisyo ni Goldwin.
Ngunit hindi siya nagmamadali.
Tinanong din si Goldwin kung interesado ba siyang maging coach ng Batang Gilas. Hindi nagsinungaling si Goldwin at sinabing, ‘‘Bakit naman hindi?’’
Tatlo sa kanyang manlalaro — Carl Tamayo, Terrence Fortea at Gerry Abadiano — ang kasangga ni Sotto sa Batang Gilas.
Dahil mananatili ang tatlong Batang Gilas na ito sa NU, may tsansang muling magkampeon ang Bullpups next year.
MAKINIG KAY GM TORRE
Ibang klase ang alamat ng chess na si Grandmaster Eugene Torre.
Hindi pa rin nawawala ang kanyang sense of humor at sa totoo lang, nananatiling ‘‘relevant’’ si “El Eugenio” sa Philippine sports.
Umabot ng third year college (Business Administration) si Torre sa Mapua Institute of Technology (ngayo’y Mapua University) at nararapat lang na gawin dito ang kauna-unahang GM Eugene Torre Cup sa Mayo 18 sa Mapua University Gym sa Intramuros, Manila.
Inorganisa ng Mapua Filipino-Chinese Alumni Association sa pangunguna ni Engr. Edmond Aguilar, ang torneyo ay may kabuuang P120,000 pa-premyo.
\“With the help of GM Torre, we decided to launch this Torre Cup as a way of promoting chess not only in Mapua but in the whole country as well,” sabi ni Aguilar.
Diniin ni Torre ang ‘‘dedication at passion’’ upang marating ang tagumpay sa sports na ayon sa kanya ay malaking bagay sa paghubog ng karakter na kabataan.
‘‘Let’s get high on sports not on drugs,’’ sabi ng Asia’s First Grandmaster.
‘‘Sa totoo lang, high na high ako noong maging Grandmaster ako at nasa alapaap nang mapasama sa Candidates.’’
Siyanga pala nagmula rin sa Mapua ang dalawa pang alamat ng chess na si IM Rodolfo Tan Cardoso at Renato Naranja.
CBA UMAASENSO
Patuloy ang hatak ng mga miron ng Community Basketball Association (CBA) Founders’ Cup. Utak ng CBA si Direk Carlo Maceda na ang puso ay para sa mga manlalarong kailangan ng pagkakataon upang ipakita ang kani-kanilang mga husay.
Ginagawa ang CBA sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas. Sa kasalukuyan ay numero uno ang Gen. Trias, Cavite na may tatlong sunod panalo, samantalang ang Sausage Kings ng Manila ay nasa ikalawang puwesto na may 2-0 kartada.
May 3-1 marka ang San Juan at parehong may tig 2-1 kartada ang Bulacan, Parañaque at San Mateo.
Hitik sa aksyon ang CBA at hindi naman nakakapagtaka kung umaani ito ng paghanga sa mga taga-masid. Tinutulungan si Maceda ng batikang coach na si Pido Jarencio at ni Beaujing Acot ng Pinoy Youth Dreamers na tutok sa mga batang basketbolista.
Nitong weekend sa Pasig Sports Complex, naungusan ng Pasig ang Marikina, 83-82, samantalang nagwagi ang Manila kontra Binangonan, 90-83.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.