I’M back in the game!
Matapos ang ilang taon na pamamahinga sa pagsusulat ng sports column balik-aksyon akong muli sa pagsusulat tungkol sa sports.
It’s good to be back sa pagsusulat ng sports column dahil gusto ko ring maibahagi ang aking saloobin sa mga nangyayari sa larangan ng sports.
Kaya naman sa pagkakataong ito ay magbabahagi akong muli ng mga kuwentong pang-sports at aking opinyon tungkol sa mga nangyayari sa sports.
Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makadalo sa TOPS ‘Usapang Sports’ sa National Press Club sa Intramuros, Manila at naging magandang oportunidad ito para sa akin na makakober muli sa isang sports forum.
Magandang oportunidad dahil nagkaroon ako ng tsansang ma-interview si Asia’s first chess Grandmaster Eugene Torre.
Dumalo si GM Torre sa TOPS forum kasama ang ilang opisyales ng Mapua Filipino-Chinese Alumni Association (MFCAA) at Mapua chess team.
Kasama rin sa forum sina Youth Football League (YFL) president Miguel Atayde at National University Bullpups head coach Goldwin Monteverde.
Nakakatuwang ibinahagi ni Torre, na nagsilbing head coach ng PH men’s chess team sa nakaraang World Chess Olympiad, ang tungkol sa 1st Eugene Torre Chess Cup na gaganapin sa Mayo 18 at inorganisa ng MFCAA katuwang ang Mapua University, ang kanyang pagpunta sa mga chess tournaments na ginaganap sa bansa pati na rin ang siyempre ang tungkol sa chess at iba pang sports.
Nanawagan nga si Torre na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga chess tournaments sa bansa dahil makakatulong ito lalo na sa mga kabataan.
Kaya naman hiniling din ni Torre na suportahan ang mga batang naglalaro ng chess at magtulungan ang mga opisyales sa sports para mapaunlad ito.
Ang Torre Chess Cup ay para nga pala sa mga titled players na maglalaro sa open division at sa mga estudyante na sasabak naman sa elementary at high school category.
Nabanggit din ni Torre na matatagalan o aabutin ng maraming torneo bago makadiskubre muli ng next GM Wesley So subalit naniniwala siya na maraming mga batang player na umuusbong ang dapat na suportahan at tulungan na ma-develop.
Gusto rin isulong ni Torre na magkaroon ng mala-MPBL format na mga sports tourney para ma-develop ng husto ang sports sa bansa.
Maganda naman ang layunin ng YFL na pinamumunuan ni Atayde dahil ‘grassroots’ ito at malaki ang maitutulong nito para maka-develop ng mga batang football players na magiging ‘future’ booters ng PH team.
Sinabi rin ni Atayde, na pamangkin ang aktor na si Arjo Atayde, na ang YFL ay magandang ‘avenue’ at ‘opportunity’ para sa mga kabataan na nagnanais maglaro ng football.
Sa panig ni Monteverde, payag siyang maging head coach ng Batang Gilas kung mabibigyan ng pagkakataon matapos tanungin tungkol dito.
Bakante pa kasi ang puwestong ito sa Batang Gilas matapos sibakin si Josh Reyes bilang coach ng koponan.
Hindi naman pipitsuging coach si Monteverde dahil inihatid niya ang NU Bullpups sa kampeonato ng UAAP juniors basketball kontra Ateneo Blue Eaglets noong isang buwan. Nakakuha rin siya ng kampeonato sa Palaro, MMBL, Tiong Lian at NBTC.
Ang concern nga lamang ni Monteverde ay ang availability ng mga players at siyempre ang mas mahabang time para maihanda ang koponan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.