NAPAKAIKSI naman ng attention span ng mga bagong sibol na demostrador ngayon.
Matapos dumalo sa mga rally sa Edsa at Luneta noong nakaraang buwan ay parang maaga silang napagod (o nabagot?) kaya tuloy tila hanging dumaan lang ang paggunita ng International Human Rights Day noong Sabado. Di masyadong napansin at tinao. Flop, ika nga.
Kung noong Nobyembre ay nagkalat sa Facebook ang mga picture nila sa rally, hawak ang mga placards na may pa-cute na slogan, noong Sabado ay parang pinabayaan nila na tanging ang mga makakaliwang grupo at mga tagasuporta ng dilawang Liberal Party lamang ang sumugod sa Liwasang Bonifacio, Mendiola Bridge, QC Memorial Circle at People Power Monument. Kitang-kita tuloy na hindi pa umabot sa libo ang sumali sa selebrasyon.
Kaya di mo maiiwasang isipin na baka nakiuso lamang ang karamihan sa naki-rally noon para may mai-post sila sa FB, Twitter at Instagram. At dahil di na masyadong click-worth ang mga rally pics ay naghanap na sila ng bagong bagay na magte-trend.
Isa pang dahilan kung hindi nag-pick up ang momentum ng mga kilos-protesta na nagsimula noong Setyembre at magku-culminate sana noong Sabado ay dahil alam na ng lahat kung ano ang ilalatag na isyu roon. Paulit-ulit lang, paulit-paulit.
At gaya nang inasahan, sumentro nga ang protesta noong rights day sa ginawang paglilibing kay Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani at ang mga naging paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law.
Dito ay muli nating nasaksihan kung gaano kakitid ang pananaw ng mga demonstrador sa kanilang pagkilos.
Gasgas na slogan kontra-Marcos ang muling namutawi sa bibig ng mga speaker at nabasa sa kanilang mga streamer at placards na para bang walang naging kasalanan ang mga sumunod na admistrasyon, partikular ang dalawang Aquino.
Masyado bang abala ang mga demonstrador para hindi malaman na higit na malupit at numero unong human rights violator si dating Pangulong Noynoy Aquino?
Bakit sa tuwing gugunitain ang International Human Rights Day, pilit na kinalilimutan ng mga demonstrador ang ginawang kalupitan nito sa mga aktibista, magsasaka at manggagawa?
Ayon sa rekord ng Human Rights Watch, sa mga huling taon ng panunungkulan ni Noynoy ay nakapagtala ito 65 kataong napatay na human rights activist. Hindi pa kasama rito ang 13 tribal leader at community member na napatay rin.
Umaabot sa kabuuang 300 ang pinaslang na mga aktibista sa ilalim ng pamumuno ni Noynoy simula nang maluklok ito sa kapangyarihan noong 2010. Sa mga patayang naganap, pinaniniwalaan na utak dito ay mga militar at para-military group.
Nakalimutan na rin ba nila ang Hacienda Luisita Massacre? Pitong magbubukid ang pinatay, 121 ang nasugatan kabilang na ang 11 bata at apat na matanda. Ang tanging nais lamang ng mga biktima ay makuha ang lupang kanilang sinasaka na pag-aari ng pamilya ni Noynoy.
Wala na rin bang nakakaalala sa Mendiola Massacre? Sa halip na lupa ang ipagkaloob, bala ang iniregalo sa 13 demonstrador na kasamang nagtungo sa Mendiola bridge. Si Cory ang pangulo noon, tanda n’yo pa?
Hindi ba dapat ay inusig din si Noynoy dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao noong nakaraang International Human Rights Day? Ang naganap ay natabunan ang mga kasalanan niya dahil sa pinalutang na isyu ng Marcos burial at extra judicial killings.
Hindi naging makabuluhan ang paggunita ng nasabing araw dahil pilit na kinalilimutan ang pang- aabuso at pagmamalabis na ginawa ni Noynoy sa taumbayan.
Ngayon, nagtataka ka pa ba kung bakit nilangaw ito?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.