Lady Stags asam ang ika-6 diretsong panalo sa NCAA women’s volleyball
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
8:30 a.m. EAC vs St. Benilde (juniors)
10 a.m. EAC vs St. Benilde (men’s)
11:30 a.m. EAC vs St. Benilde (women’s)
1 p.m. JRU vs San Sebastian (women’s)
2:30 p.m. JRU vs San Sebastian (men’s)
IPAGPAPATULOY ng San Sebastian College ang asam nitong sweep sa pagsagupa sa mapanganib na Jose Rizal University ngayong hapon sa pinakatampok na laban sa women’s division ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Sa pamumuno ni Season 91 Most Valuable Player na si Gretchel Soltones ay huling dinaig ng Lady Stags ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-13, 25-20, 25-22, noong Miyerkules upang itala ang ikalimang sunod na panalo at manatiling tanging koponan na hindi nakakalasap ng kabiguan.
Gayunman, kumpara sa nakaraang taon ay malayo pa si Soltones sa kanyang pinakamahusay na kundisyon matapos na mag-average ng 16 puntos, ikalawa sa league scoring leader na si Francesca Racraquin ng San Beda College na nagtatala ng 17 hits kada laro.
Optimistiko naman si San Sebastian coach Roger Gorayeb na kayang mapunuan ng kanyang ibang manlalaro ang kailangan na suporta kay Soltones mula kina Joyce Sta. Rita at Katherine Villegas, na kapwa nagtatala ng double digits kada laro.
“This sport is a team game, so we have to perform as a team and not rely too much on individual talent,” paliwanag pa ni Gorayeb.
Hawak ng Lady Stags ang tsansa na mawalis ang single-round elimination na may kabuuang siyam na laro na agad na magtutulak dito diretso sa best-of-three finals.
Sakaling mawalis ng Lady Stags ang eliminasyon, magaganap sa Final Four ang stepladder semifinals kung saan unang magsasagupa ang mga koponan na ookupa sa No. 3 at 4 spot sa isang knockout duel bago sagupain ng magwawagi ang ookupa bilang No. 2 squad, na may bitbit na twice-to-beat na bentahe.
Huling makakasagupa ng San Sebastian sa natitira nitong tatlong laro ang University of Perpetual Help sa Enero 11 ng susunod na taon, ang Lyceum of the Philippines University sa Enero 23 at ang defending champion College of St. Benilde sa Enero 25.
Ang Lady Bombers, na pinamumunuan ni Shola Alvarez, ay hindi naman basta na lamang maisasainsantabi kahit na dalawang beses pa lamang ito nananalo sa limang laro dahil asam nitong makaagaw ng silya sa semifinals sa nais nitong makamit na ikatlong panalo sa ala-1 ng hapon na engkuwentro.
Sa iba pang laban ay magsasagupa ang St. Benilde (4-1) at EAC (0-5) sa alas-11:30 ng umaga.
Ang asam naman ng Lady Blazers na mawalis ang torneo ay agad na naputol matapos makalasap ng kabiguan sa kamay ng LPU Lady Pirates sa laban na nagtagal ng limang sets, 25-22, 24-26, 25-18, 20-25, 15-10, noong Miyerkules. Nahulog ang St. Benilde sa ikalawang puwesto kasalo ang Arellano University.
Magsasagupa naman sa men’s play ang St. Benilde (4-1) kontra EAC (0-5) sa alas-10 ng umaga habang haharapin ng San Sebastian (2-3) ang JRU (1-4) sa ganap na alas-2:30 ng hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.