NITONG linggong ito, biglang naghigpit ang Metropolitan Manila Development Authority at Highway Patrol Group sa mga motorsiklong bumabagtas ng EDSA. Pinilit ng mga otoridad na gamitin ng mga motor rider ang kanilang designated Blue Lane at hinuhuli ang mga lumalabas dito.
Sa balita na lumabas sa mga telebisyon sa gabi ay galit na galit ang mga motor riders dahil iniipit daw sila at masyadong maarte raw ang otoridad sa pagpapatupad ng batas laban sa motorsiklo sa EDSA.
Anti-poor ang ginagamit nilang salita dahil pawang mahihirap lang daw ang mga naka-motorsiklo.
Nais ko sanang sabihin na hindi lang poor ang mga naka-motorsiklo dahil napakadami kong kilala na mayaman na gumagamit na ng motorsiklo ngayon upang makaiwas sa sobrang sikip na trapiko.
Nais ko rin sabihin na ang mga batas na nagtatakda ng dapat gawin ng mga sasakyan sa lansangan ay ginawa upang matiyak ang kaligatasan ng lahat kabilang ang kotse, truck, motor, bisikleta, at tao na gumagamit ng daan.
Napansin kasi natin na sa Pilipinas, walang disiplina ang mga motorsiklo sa lansangan at kung makatakbo ang mga ito ay parang wala silang dapat panagutan. Nandiyan na sumingit-singit sa gitna ng lanes, mag-counter-flow, sumampa sa gutter at pedestrian lanes at isiksik ang sarili sa masisikip na lugar.
Mabuti pa ang langgam at marunong sumunod sa itinakdang linya na dapat nilang tahakin. Ang mga motorsiklo sa lansangan ay bigla na lang sumusulpot mula sa kung saan na madalas ay dahilan ng aksidente.
Hindi anti-poor na higpitan kayong mga rider kundi tamang pagpapatupad lamang ng batas trapiko. Huwag sanang pairalin ang “utak-api” na namamayani sa napakaraming Pilipino. Ang mentalidad na kapag hinigpitan ang nakararami ay dahil mahirap lang sila.
Auto Trivia: Ang average na buhay ng isang sasakyan ngayon ay nasa walong taon o 250,000 kilometers. Ito ay dahil sa mga piyesa at environmental gadgets na nakakabit sa modernong mga sasakyan. Pero siyempre, ang mga kotseng BMW o Volvo ay tumatagal ng mas mahaba pa, hanggang 1.2 million kilometers, kung aalagaan nang mahusay.
Para sa comments, suggestions at reactions, mag-email lang po sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.