ANG binibitiwang salita ng sinumang may kapangyarihan o nakatataas sa lipunan ay may malaking epekto sa nakaririnig. Babala ito sa mga magulang, guro, lider. At ang masamang impluwensiya ay nagiging sanhi ng kawalan ng biyaya. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Ti 1:1-9; Slm 24; Lc 17:1-6), sa ika-22 linggo ng taon.
Bakit nagkakandarapa ang mga mambabatas na imbestigahan ang pagpatay kina mayor Rolando Espinosa at Samsudin Dimaukom, gayung hindi naman sila nag-uunahang imbestigahan ang pamamaslang sa umano’y nanlaban na mga adik at tulak, na kabilang sa mahihirap sa lipunang Digong?
Kapag mayaman at mayor ang idinawit sa droga ni Digong ay tatawaging “bad script” ang pagkamatay at kapag mahirap lang ay “good script?” Bakit di nag-aalsa ang mahihirap sa pagpatay araw-araw sa kanilang hanay na sangkot sa droga? Bakit di nag-aalsa ang mga residente sa Albuera, Leyte at Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao?
Bakit wala pang pinapatay na taga-showbiz na tulak, adik at tagamudmod ng droga gayung mas matindi pa sila sa pagpapalaganap ng droga kesa mga tambay na mahihirap sa kanto at pasilyo? Bakit wala sa radar ang tropa ni Tata Lugay (mas “safe” pala pag tropa ni Tata Lugay)?
Dapat patayin na ang lahat na nasa droga, tulad ng delubyo sa panahon ni Noah. Naubos ang santinakpan, maliban sa walong nasa arka, kaya madaling nakapagsimula ang Diyos sa panahon ng Genesis. Kami’y biktima rin ng mga adik: sa isip, patayin sila. Pero, kontra ang puso. Pero, kapag muling bibiktimahin, patayin ang demonyo!
Labis akong nanlumo nang sabihin ng iginagalang na kolumnista ng broadsheet (ang kanyang ama ay mas higit na iginagalang kahit yumao na) na hindi niya arok ang kalakaran ng droga sa pusali. Iyan ang problema ng nagmamagaling na mga kolumista na alam nila ang lahat, maliban sa pusali. Di ba’t sa Bulacan ay mas matindi ang problema ng shabu at bakit di mo alam yan?
Naalala ko ang aking yumaong editor, si Kerima Polotan (10 taon akong nanagana sa kanyang aral sa Ingles at nagulat siya nang magsulat ako sa Tagalog). Kabilin-bilinan niya na ang manunulat, lalo pa’t galing sa dukha, ay di dapat mag-astang alta. Dahil sa di kalaunan, mabibisto ang kanyang katangahan (prangka si KPT) at pagpapanggap.
Mula sa ipinasang txt, binulabog ng tahip ng bilao at hinapay ng hangin sa tabakuhan ang ilang pari sa Diocese of Malolos nang “ibinalita” na si Ronnie Dayan ay kupkupin daw muna bunsod ng mapang-aping publisidad ni Digong, lalo na ng matatabil na mga kolongnista at kumaintarista. Jun Lozada?
Tugon kay Texter …4590, ng Rosary Heights, Cotabato City: ang mga Pagninilay na halaw mula sa Ebanghelyo ay di kontra Digong per se. Ang Pagninilay sa kolum na ito ay mula sa mga pari sa Diocese of Malolos. Ayon kay Fr. Roy Cimagala, ng Cebu, “A good homilist also needs ‘to keep his ear to the people and to discover what it is that the faithful need to hear. A preacher has to contemplate his people.’ This is very important and the preacher simply has to find ways to know his people in an increasingly intimate way. This is always possible since he often receives their confessions and gives spiritual direction. Besides, there are now many other resources where the temper and signs of the times and peoples can be discerned.”
PANALANGIN: Sa ngalan ni Jesus, inuutusan ko ang kapangyarihan at puwersa ng kasamaan na lumayo ngayon din sa aming bayan. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-5401958): Marami pa ring shabu sa Imus, Cavite. Wala bang matrix si Digong sa mga barangay captain? …5339
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.