La Salle Green Archers asam dungisan ng Ateneo Blue Eagles | Bandera

La Salle Green Archers asam dungisan ng Ateneo Blue Eagles

Angelito Oredo - November 05, 2016 - 01:00 AM

Mga Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
12 n.n. UE vs NU
4 p.m. Ateneo vs La Salle
Team Standings: La Salle (12-0); FEU (8-2); Ateneo (6-4); Adamson (5-5); NU (4-8);   UP (4-8); UST (3-8); UE (2-9)

IPALASAP ang masaklap na kabiguan sa matinding karibal ang asam ngayong hapon ng Ateneo de Manila University sa pagsagupa nito sa nananatili sa liderato na De La Salle University sa pagbabalik ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Una munang magsasagupa ang naghahangad makaagaw ng silya sa Final Four na National University at halos napatalsik nang University of the East sa alas-12 ng tanghali bago sundan ng muling paghaharap ng Blue Eagles at Green Archers dakong alas-4 ng hapon.

Hangad ng Green Archers na alisin ang isa sa dalawang hadlang para makamit ang awtomatikong silya sa kampeonato, bagay na pilit na pipigilan ng Blue Eagles sa labanan na nakataya ang pride ng dalawang unibersidad.

Tanging ang Blue Eagles at defending champion Far Eastern University Tamaraws na lamang ang nalalabing hadlang sa landas ng Green Archers na bitbit ang malinis na markang 12-0 panalo-talo.

Sakaling mawalis ang double round elimination ay pormal na maibibigay sa Green Archers ang awtomatikong tiket sa finals.

Gayunman, inaasahang gagawa ng paraan ang Ateneo na naghahabol sa bitbit na 6-4 panalo-talo na mawalis ang huling apat na laro para sa tsansang maagaw ang ikalawang posisyon.

Pilit din babawi ang Blue Eagles sa 97-81 kabiguan sa Green Archers sa una nitong paghaharap.

Asam din ng Ateneo na mabigo at hindi makaabot sa sampung panalo ang FEU upang makapuwersa ng playoff para sa ikalawang puwesto na may nakalaang twice-to- beat na bentahe sa susunod na round.

Kung mawalis ng La Salle ang eliminasyon ay direkta itong papasok sa kampeonato at iiwanan ang tatlong kasunod na koponan na magsagupa sa stepladder semifinals.

Hangad din makahabol sa huling slot sa semifinals ang National University na pilit puputulin ang anim na sunod na kabiguan na nagsimula sa huli nitong laro sa unang round upang panatilihing buhay ang kanilang pag-asa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending