Serye ng JaDine bawal na sa bata, mga magulang umalma sa love scene
PABORITO ng aming bunso ang tambalan nina James Reid at Nadine Lustre. Kinikilig si Bulak kapag napapanood nito ang tambalang JaDine.
Tampulan si Bulak ng pagbibiro ng kanyang mga kapatid, kasi ba naman, kapag nanonood ito ng serye ng dalawa ay may patakip-takip pa ng kumot ang aming bunso sa sobrang pagkakilig.
‘Yun ang dahilan kung bakit nasisilip din namin ang seryeng Till I Meet You. Tinutuhog na namin ang panonood nu’n mula sa Ang Probinsiyano at sa gustung-gusto naming seryeng Magpahanggang Wakas ni Jericho Rosales.
Isang gabi ay nawindang kami, ipinakita ang seksuwal na tagpo sa isang kotse, nagtalik du’n sina James at Nadine bilang pagtugon sa daloy ng kuwento ng serye.
Naisip namin, handa na kaya ang mga bata nilang tagasuporta sa ganu’n katinding eksena, lalo na’t may sumunod pa na sa bathtub naman naganap ang kanilang paglalambingan.
Parang nabilisan kami sa pangyayari. Loveteam ang ibinebenta ng JaDine, pambatang audience, pero nilalahukan na ngayon ng mga eksenang hindi na pambagets ang tema dahil sa sobrang init ng mga ginagawa nila.
Parang napakabilis ng lundag, humiwalay sila agad sa kanilang mga kasabayang loveteam, tuloy ay maraming magulang na ngayon ang pumipigil sa kanilang mga anak na panoorin ang Till I Met You.
Bukod sa madalas na pagpapaalala ng MTRCB bilang paggabay sa mga batang manonood ay nagsisimula na rin ngayon sa mga magulang ang pagbabantay sa kanilang mga anak.
Maraming magulang na ang nagpapayo sa mga menor de edad nilang supling na iwasan na ang pagtutok sa serye nina James at Nadine.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.