San Beda College itinanghal ulit na kampeon sa NCAA | Bandera

San Beda College itinanghal ulit na kampeon sa NCAA

Dennis Christian Hilanga - October 11, 2016 - 08:18 PM
san beda DAHIL sa ipinakitang bangis at determinasyong maibalik ang korona sa Mendiola, muling kinilalang hari ng NCAA seniors men’s basketball ang San Beda College. Nalusutan ng Red Lions ang mahigpit na hamon ng Arellano Chiefs, 83-73, upang tanghaling kampeon ng Season 92 sa game 2 ng kanilang best-of-three finals series sa harap ng 13,128 panatiko Martes sa Mall of Asia Arena sa Pasay. Tinapos ng San Beda ang laro sa pamamagitan ng isang 11-0 run sa huling tatlong minuto at pitong segundo ng dikdikang laban upang hablutin ang ikasiyam na titulo sa liga sa loob ng 11 taon at angkinin ang league-best na 20 kampeonato sa kabuuan. Isang three-point play ni Arnaud Noah ang nagpasiklab sa atakeng iyon ng Lions upang kunin ang unahan, 75-73, sa 2:20 mark ng payoff period bago inilayo ni Davon Potts ang abante sa lima, 78-73, may 1:48 minuto pang natitira buhat sa isang pamatay na tres mula sa sulok. Huling naka-iskor ang Chiefs mula sa isang layup ni Kent Salado at nalasap pa ang kalamanagan, 73-72, subalit mula rito ay gumana na ang mas maigting na karanasan ng Lions sa mga krusyal na tagpo at hindi na pina-iskor pa ang mga katunggali hanggang sa final buzzer. Tuluyang sinelyuhan ng San Beda ang tagumpay matapos ipasok ni Javee Mocon ang dalawang pares ng free throws mula sa foul ni Jio Jalalon sa huling 35.6 segundo na naging dahilan ng kanyang pagka-fouled out. Nagposte si Noah, tinanghal na Finals MVP, ng 18 puntos at 11 rebounds habang may 16 puntos si AC Soberano sa likod ng ipinukol na apat na three-pointer para sa mga kampeon. Ibinuhos naman ni Potts ang lahat ng 10 puntos sa final canto kung saan ito sinandigan ng koponan matapos alatin sa unang tatlong quarter at si Robert Bolick ay nag-ambag ng 13 puntos para walisin ng San Beda ang Arellano kasunod ng limang pagtatagpo ngayong season. Naglista si Jalalon ng game-high 19 puntos para sa Chiefs. kasama ang pitong rebounds at 10 assists sa kanyang huling posibleng laro sa NCAA. Sa juniors division, itinabla ng San Beda High School ang serye sa 1-1 matapos ungusan ang Malayan High School of Science , 81-78, sa Game 2 ng kanilang best-of-three finals showdown. Bumagon mula sa 12 puntos na pagkakabaon ang Red Cubs at nagpakawala ng 32 puntos sa third period upang humirit ng do-or-die game 3 sa Biyernes na gaganapin kung hindi sa MOA Arena ay sa San Juan Arena. Tumapos si Carlo Obenza ng 19 puntos habang nagdagdag ng 14 si Robi Nayve ng 14 para sa San Beda na hangad ang makasaysayang ikawalong sunod na titulo. Si Romuel Junsay ay umiskor ng game-high 23 puntos para sa Red Robins subalit kinulang para ibigay sa koponan ang una nitong kampeonato mula 2000.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending