Mbala nangunguna sa UAAP Season 79 MVP derby
INOKUPAHAN ni Benoit Mbala bunga ng kanyang matinding paglalaro na nakapagtulak sa De La Salle University Green Archers sa pitong sunod na panalo ang liderato sa karera sa pinag-aagawan na UAAP Season 79 men’s basketball tournament Most Valuable Player.
Nagtala ang 6-foot-7 na si Mbala ng double-double sa scoring at rebounding sa lahat ng kanyang paglalaro sa first round ng eliminasyon upang makatipon ng 95.2857 statistical points na nagbigay dito ng malayong agwat kontra sa sumusunod na isa pang foreign player na si Papi Sarr ng Adamson University Soaring Falcons na may 71.4286 statistical points.
Nasa ikatlo ang kakampi nito sa La Salle na si Jeron Teng na may 56.333 SPs, kasunod sina Far Eastern University Tamaraws forward-center Raymar Jose (54.000), University of the Philippines Fighting Maroons guard Paul Desiderio (53.8571), Adamson guard Jerrick Ahanmisi (51.8571) at National University Bulldogs forward Matt Salem (51.2857).
Kabilang din sa Top 10 sina Alfred Aroga ng NU, (51.1429); Prinze Orizu ng FEU (48.5714); Jayjay Alejandro ng NU (46.5714) at Thirdy Ravena ng Ateneo (46.5714).
Matatandaan na hindi nakalaro noong nakaraang taon dahil sa residency rule si Mbala bago tuluyang dinomina ang unang ikot ng eliminasyon ng liga para pangunahan ang Green Archers sa natatanging malinis na sa 7-0 kartada.
Sakaling mapanatili ni Mbala ang matinding paglalaro ay maitatala ito sa kasaysayan ng torneo bilang unang foreign player sa mga nakalipas na taon sapul na makamit ni American cager Anthony Williams ng FEU ang pinakamimithi ng lahat ng manlalaro na pangunahing individual na karangalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.