Pakiusap ni Robin kay Duterte para sa mga artistang nagdodroga kinontra
SINASANG-AYUNAN namin ang puntong idinidiin ni Robin Padilla tungkol sa banta ng mga otoridad na isang araw ay papangalanan na ng grupo ang mga artistang gumagamit at lulong sa droga.
Tama naman ang kanyang sinabi na kailangan munang magkaroon ng dayalog ang mga otoridad at ang mga manager ng mga personalidad na diumano’y nasa hawak na listahan ng mga pulis.
Hindi niya sinasabing puwedeng patayin na lang basta ang kahit sino, para sa kanya ay wala talagang lugar sa mundo ang mga pusher ng ipinagbabawal na gamot, pero ang mga gumagamit na biktima rin ng bisyo ay kailangan munang dumaan sa isang legal na proseso.
Natural lang na marami ring kontra sa mga ipinahayag ni Robin, may mga nagsasabi na bakit kailangang bigyan ng special treatment ang mga artistang tulad niya, wala rin daw bang pangalang iniingatan ang mga hukom at pulitikong pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa usapin ng ipinagbabawal na gamot?
Sa usapin naman ng pagbabayad ng buwis, sinabi ni Robin na taxpayer din ang mga artista, kaya dapat ay pangalagaan ang kanilang imahe at hindi ‘yung basta-basta na lang papangalanan ang mga personalidad na biktima ng bisyo.
Ang tanong ng mga kababayan natin, bakit, ang mga pulitiko, businessmen at hukom bang pinangalanan na lang basta at hindi dumaan sa imbestigasyon muna ay hindi rin nagbabayad ng tax?
Patas na pagtrato ang sigaw ng marami, wala dapat tinitingnan at tinititigan, basta nagkasala sa batas ay kailangang parusahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.