Barangay captain sa Cebu patay; misis, anak na lalaki sugatan
PATAY ang isang kapitan ng barangay, samantalang sugatan naman ang kanyang misis at anak na lalaki matapos silang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Napo, Carcar City, southern Cebu.
Nagtamo si Mario Labra, 58, barangay captain ng Napo, ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, kung saan idineklara siyang dead on arrival sa district hospital sa Carcar, 42 kilometro ang layo sa katimugan ng Cebu City.
Natamaan naman sa kaliwang braso ang kanyang misis na si Geronima, 55, samantalang nasugatan naman ang kanyang anak na si Clayborn, 24, sa kaliwang hita.
Sinabi ni PO1 Francisco Saberon, ng Carcar police station, na nanonood ang pamilya ng telebisyon noong Miyerkules ng gabi nang sinipa ng mga lalaki ang kanilang pintuan at paulit-ulit na binaril si Mario at kanyang misis na si Geronima at anak na Clayborn.
Nakarinig ang mga kapitbahay ng mga putok ng baril at nagsisigaw para humingi ng tulong para mailigtas ang mga biktima at dinala sa ospital.
Narekober naman ng mga pulis ang caliber-45 na mga basyo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pagpatay sa biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.