PARA talagang suntok sa buwan ang misyon natin na makarating sa Rio de Janeiro Olympics sa pamamagitan ng qualifying tournament na ginaganap sa ating bansa.
Mangyari’y sa anim na koponang kalahok sa torneo, aba’y pang-lima tayo sa pinakamababang ranking.
No. 28 tayo sa talaan ng FIBA, e. Tanging ang Senegal ang dinaig natin dahil sa No. 31 ito. Ang France na kagrupo natin ang pinakamataas ang seeding dahil sa No. 5 ito sa daigdig. No. 8 naman ang Turkey na nasa kabilang grupo. Ang New Zealand na kagrupo rin natin ay No. 21 samantalang ang Canada ay No. 26.
Pero teka, hindi naman talaga imposible na masilat natin ang mga kalaban kahit pa may mga NBA players sila. Bilog naman ang bola at kung sinuwerte lang tayo, baka malayo ang narating natin.
E, No. 26 nga ang Canada ‘di ba?
Pero nagawa ng Canadians na magrehistro ng dalawang panalo. Oo’t nakaangat sila sa Senegal na No. 31 pero nahirapan sila bago nanaig, 58-55.
Subalit dinaig nila ang Turkey na No. 8. Tinalo nila ito, 77-69.
So, puwede ngang makasilat ang lower seed team!
Hindi nga lang natin nagawa iyon.
Pero siyempre, hindi lang isang silat dapat. Apat na silat! Apat na beses tayong dapat na suwertehin upang makaabot tayo sa Rio!
Doon na talaga lalabas ang totoo. Hindi na puwedeng pa-tsamba-tsamba!
Sa totoo lang, mahirap talagang umasa sa wild card phase na ito. Dapat ay sa FIBA Asia tayo nagpursigi nang husto.
Maraming nagsasabi na kung naglaro lang si June Mar Fajardo nang nagtungo ang Gilas Pilipinas sa China, baka sakaling nagkampeon tayo. Baka doon pa lang ay nakamit na natin ang ticket tungo sa Rio.
Baka lang.
Wala ring kasiguraduhan iyon, e. Kasi, ang torneo ay ginanap sa China. Papayag ba ang host country na masilat natin sila? Nakita naman nating lahat ang naging tawagan, hindi ba? Kahit na mga ekspertong tagaibang bansa ay nagsabing kung parehas ang tawagan ay puwedeng nanalo tayo.
Kung sa Pilipinas ginanap ang FIBA Asia tournament, baka puwedeng nagkampeon tayo. Baka!
Kasi nung huling ginanap sa Mall of Asia ang torneo ay sumegunda lang tayo sa Iran. Pero naging sapat na iyon para makalahok tayo sa FIBA World Cup sa Spain. E, kung slot sa Olympics ang pinaglabanan noon, wala rin tayo!
Masaklap talaga, e.
So, ngayon ay disbanded na ang Gilas Pilipinas at balik sa all-amateur team tayo bilang paghahanda para sa 2020 Olympics.
Sa tingin ninyo ba ay kakayanin ng programang ito na magtagumpay kung saan nabigo ang isang all-pro team matupad ang pangarap na makabalik sa Olympics?
Kung makakadiskubre ng mga Fajardo, Greg Slaughter at iba pang higante bago ang 2020, baka puwede!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
