Robin rumesbak sa mga bayarang nambengga sa paggamit niya ng Google

TINAWAG na “bayaran” ng action star-politician na si Sen. Robin Padilla ang mga taong nambebengga sa paggamit niya ng Google.
Inamin ni Padilla na humingi siya ng tulong sa Google kahapon, July 6, sa unang araw ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y kaugnay ng pagkontra niya sa pagkakatalaga kay Senator-Judge Chiz Escudero bilang presiding officer sa naturang hearing.
“Humingi po ako ng tulong sa Google kasi legal terms po ito. Hindi naman po ako nagtapos sa UP.
“Hindi rin po ako nagtapos sa Ateneo. Nagtapos po ako ng criminology. At UP rin, University of Prison,” ang pagbibiro ni Padilla.
Sa kanyang Facebook post, inakusahan ni Sen. Robin na mga “bayaran” ang mga nagpapakalat ng negatibong impormasyon tungkol sa pagdulog niya sa Google para i-translate sa Tagalog ang Deliberations of Consultative Committees (ConCom) kaugnay sa tungkulin ng presiding officer.
“Ang isyu na pinalalaki ng mga bayaran ay ang paghingi ko ng tulong kay [G]oogle para sa translation sa Tagalog ng deliberasyon ng Concom commissioners patungkol sa presiding officer, hindi ang dapat pagsunod sa saligang batas ng impeachment court,” aniya.
Ipinunto ng senador na ito’y isang uri ng political term na “wagging the dog” o ang paglilihis sa atensyon ng publiko sa tunay na isyu.
“Classic example of the political term. Wag the Dog. Alisin sa totoong isyu ang usapan at mag imbento ng istoryang pag uusapan,” sabi ni Padilla.
“Ang pagsalin sa Tagalog mula sa inglis sa google ay upang hindi ako magkamali, magdagdag, o baluktutin ang mga tinalakay sa Concom,” saad pa ng mister ni Mariel Rodriguez.
Kahapon, July 7, ginanap ang ikalawang araw ng Senate impeachment trial laban kay VP Sara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
