Michael ibang-iba ang karisma kaya tinitilian habang kumakanta
MAY landi ang mga galaw ni Michael Pangilinan sa entablado. Maganda na ang kanyang boses at hindi magpapahuli sa kakisigan ay biniyayaan pa siya ng charisma.
Napakahalaga ng katangiang ‘yun para sa mga personalidad, umaarte man sila o kumakanta, kung walang bitbit na karisma ang artista ay para lang siyang flat na goma. Matagal naming hindi napanood mag-perform si Michael Pangilinan, pero nu’ng Biyernes nang gabi ay sinorpresa niya kami, napakalaki na ng ipinagbago ng kabuuang pakete ng singer-actor.
Sa bawat galaw niya ay nagtitilian ang kanyang mga tagasuporta. Hindi kasi pilit ang kanyang mga ginagawa, para lang siyang nakikipaglaro sa banda, isang palatandaan na buung-buo na ang kumpiyansa ng nasa entablado. Malaking-malaki ang iniambag kay Michael ng pagso-show niya sa iba-ibang bansa, ng pagsali niya sa Your Face Sounds Familiar, ang mga karanasan niya sa bawat pagtungtong sa entablado ay pinag-isa niya.
Pinagmamasdan namin ang kanyang mga magulang habang kumakanta siya, nakaguhit sa mukha ng tatay at nanay ni Michael Pangilinan ang pagiging proud sa kanilang anak, malayo na nga naman ang nararating ng kanilang masikap na binatang-ama.
Maligayang bati kay Michael Pangilinan at sa kanyang Nanay Jobert Sucaldito na hindi sumuko sa mga pagsubok. Maraming salamat sa maganda nilang samahan. Maraming salamat dahil sa kabila ng kanyang popularidad ngayon ay nakasayad pa rin sa lupa ang magkabilang paa ni Michael at ni anino ng sungay ng kayabangan ay wala kaming nararamdaman sa kanya.
Mas malayo pa ang mararating ng batang ito. Malayung-malayo pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.