Sunshine kinasuhan na ang asawa at ang bago nitong dyowa: Walang pata-patawad!
KINASUHAN na ni Sunshine Dizon ng R.A. 9262 ang kanyang mister na si Timothy Tan. Dagdag na asunto rin ang concubinage at kasama niyang kinasuhan ang babaeng sinasabi niyang kinasama ng kanyang mister sa mismong gusali kung saan din sila nakatira ng kanyang mga anak.
Ang pagpo-post ni Sunshine ng mga saloobin niya sa social media ay nauwi na nga sa korte, tinotoo ng aktres ang kanyang sinabi na magkikita-kita sila sa husgado, pero nilinaw ng kanyang abogado na wala pa sa kanyang plano ang pagpapawalang-bisa sa kasal nila ni Timothy Tan.
Nakakagulat ang rebelasyon na laman ng salaysay ni Sunshine. Nasa 9th floor sila ng kanyang mga anak, pero nasa 12th floor lang pala ang babae at ang kanyang mister, hindi man lang daw inilayo ni Timothy ang paggawa ng milagro.
Ngayon ay matindi ang paninindigan ni Sunshine na ilalaban niya ang kanyang karapatan bilang legal na misis, kasama rin sa pakikipaglaban niya ang dalawa nilang anak ni Timothy Tan na ayon sa aktres ay ninakawan ng malasakit at pagmamahal, wala sa kanyang bokabularyo ngayon ang pagpapatawad.
Sabi sa amin ng kaibigan ni Sunshine Dizon na may malalim na alam sa kuwento, “Awang-awa ako kay Sunshine, tine-trace pa niya kung nasaan ang babae, ‘yun pala, e, nasa mismong building lang kung saan sila nakatirang mag-iina.” Sino nga naman ang mag-aakala na nasa tabi lang pala ng simbahan ang pasugalan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.