SINA Jason Maxiell at Michael Madanly ang mga imports ng Tropang TNT para sa darating na PBA Governors’ Cup na mag-uumpisa sa Hulyo 15.
Nasa bansa na si Maxiell samantalang sa isang linggo pa darating si Madanly na hindi na bago para sa mga PBA fans. Si Madanly ay naglaro sa NLEX noong nakaraang taon at pinayagan na ng Road Warriors na lumipat.
So, halos isang buwan ding makakasama ng mga imports na ito ang mga locals at magkakaroon ng pagkakataong mag-bonding. Umaasa si coach Joseph Uichico na mabubuo ang teamwork at chemistry ng kanyang koponan bago magsimula ang Governors’ Cup.
Ang problema nga lang ay hindi pa rin kumpleto ang Tropang TNT. Kasi nagpahiram ito ng apat na manlalaro sa Gilas Pilipinas team na nagtungo sa Europe kamakailan. Kasalukuyang nasa Greece ang koponan para sa high-altitude training. Tutungo sila sa Turkey pagkatapos niyon.
Sa pagbabalik ng Gilas ay sasabak na kaagad sila sa Olympic qualifying tournament na gaganapin sa Mall of Asia Arena. Pagkatapos ng torneong iyon, tsaka pa lang makababalik sa kani-kanilang mother teams ang mga manlalaro ng Gilas Pilipinas.
Bukod sa apat na manlalarong nasa Gilas Pilipinas ay may dalawang ibang players ang Tropang TNT na may kapansanan. Nagpapagaling pa buhat sa injuries sina Larry Fonacier at Matt Ganuelas-Rosser.
So, anim ang wala? Aba’y halos kalahati na iyon ng team hindi ba? E hindi naman basta-basta ang mga nawawala. Iindahin talaga ng Tropang TNT ang kawalan.
Kaya nga hindi na rin sumama si Uichico sa Gilas kahit na isa siya sa mga assistant coaches ni Tab Baldwin. E, kung sumama siya, ano pa ang matitira sa kanila?
Ang tanong ay kung may magagawang sapat na plays at adjustments si Uichico sa pagkawala ng anim niyang manlalaro?
Kaya naman kailangan ng Tropang TNT na umasa nang husto sa mga imports. Kumbaga ay todo na ang gamit ni Uichico sa mga ito sa bawat laro. Walang puwang para magkamali siya ng pinarating.
Actually, subok na naman si Madanly na nag-average ng 19.7 puntos, 3.0 rebounds at 2.4 assists sa 30 minuto habang naglalaro sa NLEX noong isang taon. Sana ay hindi magbago ang kanyang performance.
Si Maxiell naman ay isang ten-year veteran ng NBA at nagtagal sa Detroit Pistons. Galing siya sa Chinese Basketball League kung saan noong Enero ay nasangkot siya sa isang kaguluhan kontra isang Chinese player na hinabol niya.
Kaya nga may nangangamba na baka barumbado rin itong tulad ni Ivan Johnson na napalayas matapos lang ang isang laro sa nakaraang Commissioner’s Cup.
Pero sinabi ni Maxiell na hindi naman talaga mainitin ang kanyang ulo at napundi lang siya noon. Hindi na naulit ang insidenteng iyon.
Kung hindi naman talaga barumbado si Maxiell at stick siya sa laro, malaking bagay ang pagiging ten-year NBA veteran niya.
Sana nga ay swak na sa Tropang TNT sina Maxiell at Madanly.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.