Pabor si incoming National Police chief Chief Supt. Ronald dela Rosa na pabantayan sa isang batalyon ng Special Action Force ang New Bilibid Prison para matigil na ang aktibidad ng mga nakapiit na drug lord.
Ayon kay Dela Rosa, napagkasunduan nila ito ni incoming Justice Secretary Vitaliano Aguirre upang maiwasan ang pagiging malapit ng mga jail guard sa mga detenido, lalo na yaong may mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
“Kung kailangan niya, susuportahan ko si Aguirre kung anong kailangan niya. ‘Yun nga ang sabi niya, hihingi siya ng isang batalyon ng SAF para mag-man dun. Sabi ko yes, puwedeng gawin yan,” anang police official.
“Magandang tanggalin lahat ng guwardiya dyan, proposal ko lang ito ha, dahil that is not my turf, ‘yung Bureau of Corrections is under ng DOJ. Ang PNP diyan is support lang kung kailangan diyan ng muscle, kailangan ng firepower,” ani Dela Rosa.
Iminungkahi rin ng police official na kapag tapos na ang duty ng SAF bilang bantay sa NBP ay maaari itong palitan ng isang batalyon ng Army.
Bukod sa pag-iwas sa pagiging pamilyar o malapit ng mga jail guard sa mga detenido, pakay ng planong eployment ng SAF o Army ang pagpigil sa komunikasyon ng mga nakakulong na drug lord sa mga kasabwat sa labas.
Samantala, hinamon ni Dela Rosa ang mga nakapiit na drug lord gamitin na lang bilang premyo sa duelo ang diumano’y pinagambag-ambagan nilang P1 bilyong pabuya sa pagpapatumba sa kanya at kay President-elect Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, sasali siya sa duelo at haharap sa sinumang 20 drug lord na kakasa.
“Bente kayo na Intsik na drug lord or kung sino pang mga drug lord nandiyan, kayong bente hahamunin ko kayo ng draw. Man versus man. Mag-draw tayo. Sabay tayo bumunot ng baril. Isa-isa,” anang police official.
Sinabi ni Dela Rosa na kung sususwertehin siyang matalo sa duelo lahat ng 20 drug lord, gagamitin niya ang P1 bilyong premyo sa pagpapatayo ng drug rehabilitation center sa rehiyon na may pinakamaraming drug addict.
Tumanggi naman si Dela Rosa na kumpirmahin kung kasama nga ang nakakulong na drug lord na si Peter Co sa mga nagbuo ng pabuya para sa sinumang magtutumba sa kanya at kay Duterte.
“Hindi ko kino-confirm, hindi ko rin dine-deny. Bahala na si Peter Co mag-isip diyan kung siya ba ‘yan,” ani Dela Rosa. (John Roson)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending