Pacman sa 2 anak: Nagmo-model lang sila, wala pang planong mag-artista!
NILINAW ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na hanggang pagiging model lang muna ang gagawin ng kanyang mga anak na sina Jimuel at Michael.
Ayon kay Pacman, wala pang plano ang mga bagets na pasukin na rin ang pag-aartista. Sa panayam ng ABS-CBN sa bagong halal na senador, proud na proud daw siya sa kanyang mga anak dahil bukod sa matatalino ay mababait pa ang mga ito at masunurin sa mga magulang.
Nang makita nga raw niya ang pictorial ni Jimuel ay talagang ang saya-saya niya lalo na nang mabasa niya ang mga komento ng mga followers nila ni Jinkee sa social media. Nagpapasalamat nga raw siya sa mga pumupuri sa dalawang anak.
“I’m so proud of my sons Jimuel and Michael na pinasok nila ang modelling at mababait silang mga anak at masunurin,” ang chika ni Pacman sa nasabing panayam. Ngunit ipinagdiinan ng nanalong senador na hindi pa naman daw tuluyang papasukin nina Jimuel at Michael ang pag-aartista.
“Hanggang modelling lang muna. Ha-hahaha! Number one ang education and I teach them to humble themselves before others,” pahayag ni Manny. Nang tanungin naman kung may wish pa ba siya sa darating na Father’s Day, sagot ni Manny, “Wala, basta happy lang ako at magkakasama kami.”
Sa mga litratong nakita namin na kuha sa isang event na ginanap sa mismong mansion nina Manny at Jinkee sa Gen. Santos City kamakailan, mukhang hindi nga nawawalan ng bisita ang pamilya Pacquiao. Ang nasabing bahay ay tinatawag nilang “Mansion Number Two” dahil tatlo na nga ang mansion nina Pacman. Yung una nilang mansion ay hindi na nila tinitirhan na itinuturing na rin ngayong tourist attraction sa GenSan. Ang ikatlo naman nilang property ay under construction pa hanggang ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.