Coco Martin patuloy na binabagyo ng swerte | Bandera

Coco Martin patuloy na binabagyo ng swerte

Ervin Santiago - January 20, 2016 - 02:00 AM

coco martin

MATINDING hirap at walang-sawang pagtitiyaga ang naranasan ni Coco Martin bago niya narating ang estado niya ngayon sa mundo ng showbiz.

Hindi naging madali para sa Teleserye King ng ABS-CBN ang pag-akyat niya sa hagdan ng tagumpay, talagang nagsimula siya mula sa ibaba bago niya narating kung nasaan man siya ngayon.

At hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pag-ulan ng blessings sa kanya dahil na rin sa ipinapakita niyang dedikasyon sa trabaho at pagtanaw ng utang na loob sa lahat ng taong nakasama niya sa hirap at sa ginhawa.

In fairness, hindi lang Teleserye King ang titulo niya ngayon, binansagan din siyang Indie King, King of Drama at ngayon nga ay tinatawag na rin siyang Idolo ng Masa dahil sa tagumpay ng teleserye niyang FPJ’s Ang Probinsyano sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

At ngayong 2016, hindi imposibleng siya rin ang tanghaling Box-Office King dahil sa tagumpay ng MMFF 2015 entry niyang “Beauty And The Bestie” na mahigit P500 million na ang kinikita sa takilya making it the highest grossing Filipino film of all time.

Nang makachikahan ng press si Coco kamakailan, sinabi niyang isang malaking bonus na lang kung ibigay sa kanya ang nasabing titulo, “Hindi ko po kasi nilalagay sa isip ko ‘yan. Lahat-lahat lang po ito, bonus na po sa akin na ito ang resulta ng lahat ng pinaghirapan namin.”

Nang matanong ang award-winning actor, kung bakit sunud-sunod ang swerteng dumarating sa buhay niya, “Napakahaba po ng experience ko sa buhay. Sabi ko nga po, hindi naman ito parang sumali lang ako sa isang competition and then after that, nanalo ako tapos eto na.

“Talagang nagsimula po ako from the scratch. Nagsimula po ako, ang dami pong mabibigat na pagsubok na dumating sa buhay ko, mga mabibigat na intriga sa pamilya ko, kumbaga, ang dami kong experience sa buhay.

“And then, bawat project po na ginagawa ko, talagang buong dedikasyon ang nilalaan ko po rito. Minsan nga, lagpas pa po sa pagkatao ko kasi, para po sa akin, isang malaking katuparan ito dahil noong bata ako, sabi ko nga, isa rin akong tagahanga na nanonood.

“And every time na may project ako, hindi ko po iniisip ang sarili ko na kailangan, maganda ang dating ko dito, kailangang guwapo ako dito, ang lagi ko pong iniisip kasi ay ‘yung mga taong nanonood at humahanga sa akin, kung paano ko sila paliligayahin,” mahabang pahayag ni Cardo/Paloma, ang sikat na sikat na ngayong karakter niya sa Ang Probinsyano na nananatiling number one primetime series ngayon.

Sa pagpapatuloy ng kuwento ng Ang Probinsiyano, madadagdagan ang hirap ng misyon ni Cardo (Coco) dahil bukod sa mga sindikato, kailangan niya ding itago ang kanyang pagpapanggap sa kanyang mga mahal sa buhay.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, madidiskubre ni Onyok (Xymon Pineda) ang ilang gamit pambabae sa kwarto ni Cardo na magdudulot naman ng paghihinala mula kay Lola Flora (Susan Roces).

Nakararamdam na rin ng pagdududa si Glen (Maja Salvador) sa misyon ni Cardo kaya naman mas magiging interesado itong malaman ang detalye ng kasong hinaharap ng kaibigan.

Samantala, tuloy pa rin sa pag-kidnap ng mga kababaihan ang grupo ni Olga (Gina Pareño) at ang pinakabago nga nitong biktima ay si Elaine (Dawn Chang), isang saleslady.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa pagsakay ni Elaine sa isang taxi, sapilitan siyang kukunin ng mga tauhan ni Olga at dadalhin sa kasa.
Bilang Paloma, paano maililigtas ni Cardo ang mga kababaihan sa kamay ng sindikato?

Mapagtagumpayan kaya ni Cardo ang kanyang misyon? Huwag palampasin ang mga ma-aksyong tagpo sa FPJ’s Ang Probinsyano, gabi-gabi sa ABS-CBN.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending