PARARANGALAN ang mga atletang kuminang sa taong nagdaan sa isasagawang Awards Night ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Pebrero 13 sa One Esplanade sa Pasay City.
Tampok sa mga bibigyan ng parangal ang golfer na si Miguel Tabuena at ang mga world boxing champion na sina Nonito Donaire Jr. at Donnie Nietes na kinilala bilang PSA Athletes of the Year for 2015.
Ang naturang awards night ay suportado ng Milo at San Miguel Corp.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na si Donaire (2007, 2011, 2012) ay gagawaran ng sportswriting fraternity ng Athlete of the Year habang una ito para kina Nietes at Tabuena.
“Nonito Donaire Jr., Donnie Nietes and Miguel Tabuena again showed and proved to the world what Filipino athletes are made of as proof of their triumph and success in their respective fields last year. As the country’s sources of pride, all three are truly deserving of the Athlete of the Year honor,” sabi ni PSA president Riera Mallari ng Manila Standard.
Maliban sa Athlete of the Year, igagawad din ang malalaking karangalan at citations sa mga atleta, personahe at organisasyon na tumulong sa tagumpay sa sports ng bansa sa nakalipas na taon.
Ilan sa bibigyang parangal ang mga nagwagi ng gintong medalya sa kampanya ng bansa sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Ibibigay din ng PSA ang mga parangal tulad ng President’s Award, Executive of the Year, National Sports Association of the Year, Lifetime Achievement Award at Posthumous.
Magbibigay din ng Tony Siddayao Awards ang grupo ng manunulat para sa mga mahuhusay na batang atleta at pipili ang Milo ng lalaki at babaeng Outstanding Young Athletes para sa 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.