MARAMING namatay at bilyun-bilyong piso ang napinsala ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng” dahil sa ating kapabayaan. Wala tayong dapat sisihin kundi tayo rin. Tayong mga ordinaryong mamamayan. Ikaw at ako. Nagpabaya tayo. Nagtapon tayo ng mga plastic na basura sa ating mga ilog, sapa, kanal, estero. Ang plastic ay di natutunaw gaya ng papel. Kahit na isang daang taon ay di ito natutunaw. Nang humupa ang baha sa mga villages, nakita natin ang mga discarded plastic materials na nakasabit sa mga kuryente at bakod kung saan umabot ang tubig-baha. Dahil baboy tayo, binaboy din tayo ng Kalikasan. Pinabayaan natin na makalbo ang ating mga gubat at bundok. Hindi natin pinigil ang mga illegal loggers, mga kaingero, mga mag-uuling sa kanilang pagputol ng mga punongkahoy sa ating mga kagubatan at kabundukan. Dapat matuto na tayo sa masama na karanasang dinanas natin kina Ondoy at Pepeng. Simula ngayon, dapat nating itapon ang ating mga basura sa mga dapat na pagtapunan. Kung may nakita tayong nagtatapon ng basura sa ating mga kanal, ilog at sapa, isuplong natin sila sa mga kinauukulan. Kapag hindi nakinig ang mga kinauukulan sa ating sumbong, lumapit na tayo sa media. Maraming mga programa sa radyo at telebisyon na tumatanggap ng reklamo laban sa mga opisyal na nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin. Isuplong din natin ang mga taong nagpuputol ng mga punongkahoy sa ating mga kagubatan at kabundukan. At kapag di nakinig ang mga tao sa gobyerno, puntahan natin ang media. Kahit na wala akong programa sa radyo at TV ngayon, tumatanggap pa rin ako ng mga sumbong sa publiko. Ginagamit ko ang aking column sa INQUIRER at Bandera sa pagkalampag sa mga government offices na tutulug-tulog. Huwag na nating sabihin na di naman tayo maaapektuhan sa mga kasalanan ng iba. Ipinakita sa atin nina Ondoy at Pepeng na lahat tayo ay pinarurusahan sa ating kapabayaan. Huwag mong sabihin na wala kang kaibigan, kakilala o kamag-anak na hindi binaha o nasawi. * * * Huwag na tayong umasa pa sa gobyerno sa paggawa ng mga hakbang upang di na maulit ang nangyari sa atin noong pagdalaw nina Ondoy at Pepeng. Di natin maaasahan ang gobyerno dahil inutil ito. Tingnan mo na lang noong kasagsagan ng bagyong Ondoy. Hindi alam ng gobyerno kung ano ang gagawin. Anong dapat nating gawin upang di na rumagasa ang baha galing sa kabundukan? Magtanim tayo ng mga punongkahoy sa mga kalbo nating bundok. Ang ugat ng punongkahoy ang siyang nagsasalo ng tubig-ulan sa kabundukan. Kaya nga dapat ay maraming punongkahoy sa ating watershed o dam para yung tubig-ulan ay di mapunta sa dam. I suggest we plant fast-growing trees gaya ng ipil-ipil at mahogany. Mabilis na tumubo ang dalawang punongkahoy na ito. Ang mga buto sa mga punongkahoy na ito ay babagsak sa lupa at tutubo at maging punongkahoy din.Gayahin natin ang mga tao sa Puerto Princesa at Palawan na nagtatanim ng punongkahoy at inaalagaan ang kanilang kapaligiran. Walang baha sa Puerto Princesa at Palawan dahil alagang-alaga ng taumbayan ang kanilang kapaligiran.
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 101609
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.