Mga negosyante kailangang makisawsaw sa kasikatan ng AlDub para lang kumita
Nawindang ang anak-anakan naming si Ogie Narvaez Rodriguez, may komosyon kasi sa isang food chain nu’ng minsan, kaya ang akala nito at ng kanyang mga kasama ay merong nag-aaway.
Nag-usyoso siyempre sila kung ano ‘yun, naloka ang magkakatropa, pinanonood pala ng mga customer sa nasabing food chain ang kalyeserye. Matitinding tilian ang maririnig sa paligid, kinikilig ang mga kumakain, sina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ang dahilan ng komosyon.
Tama ang kanyang sinabi, pati ang mga pampublikong lugar ngayon ay nakikiangkas na rin sa ipinakakalat na epidemya ng AlDub, ang sinasabing food chain ni Ogie ay hindi ‘yung ineendorso ng dalawa.
Sabi ng isang kaibigan naming may-ari ng isang restaurant, “Paano mo kakalabanin ang mga kostumer? Parang PBA na ngayon ang AlDub, kailangang ‘yun ang tinututukan ng establishment mo, para tauhin ka.
“Kararating pa lang ng mga unang customers, ang sasabihin na nila agad, ‘Manonood kami ng Eat Bulaga, ha? Baka mahuli kami sa balita tungkol sa AlDub.’
“Paano mo naman dededmahin ang ganu’n? Kaya ngayon, para pasukin ang lugar mo, kailangang kalyeserye ang pinanonood n’yo. Ganu’n na katindi ang AlDub!” namamanghang kuwento pa ng aming kaibigan.
Kahit saan ka magpunta ngayon ay AlDub ang pinagkukuwentuhan, sila ang pinakamainit na paksa ng buong bayan, kaya pikon na pikon na ang kanilang mga kalaban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.