Smuggling ang tinututukan ni Mr. Politician
ISANG pulitiko mula sa Mimaropa region ang sinasabing nasa likod ng smuggled sugar na gustong ilabas sa Bureau of Customs ni dating LTO Chief Virginia Torres.
Sinabi ng ating Cricket na totoong pandagdag sa pondo ng eleksyon ang nasabing asukal kung sakaling makalulusot ito sa mga pamilihan.
Kung dati ay idineklara na nagkakahalaga ng P100 milyon ang nasabing kontrabando pero hindi raw ito totoo.
Doble ang halaga nang nasabing mga asukal na nakapaloob sa 64 shipping containers.
Dahil malaki ang halaga kaya personal na inasikaso ito ni Torres na kilalang kabarilan at kaibigan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Bukod kay Torres na nagpunta sa tanggapan ng Bureau of Customs Intelligence Group noong nakaraang buwan, sinasabing tumawag naman sa telepono ang pulitikong tinutukoy natin na mula sa timog katagalugan.
Pero dahil sa paksyon at agawan ng negosyo sa loob ng BOC kaya nadiskaril ang plano para sa mga nasabat na asukal na galing sa Thailand.
Kilalang operator pagdating sa kalokohan ang pulitikong ito na kamakailan lang na kinasuhan din sa Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pagkupit sa pondo ng bayan.
Dating local executive ang pulitikong ito na naging kongresista pero ngayon ay bumalik siya sa dating pwesto bilang mataas na local official ng isang lalawigan.
Sinabi ng ating Cricket na kilalang malapit na kaibigan ng mga bigating smugglers ang pulitikong ito na yumaman din ng husto sa pwesto dahil sa kanyang involvement sa illegal gambling sa buong rehiyon.
Ngayong nabawasan ng raket ang mga pulitiko dahil sa pagkakabasura sa Pork Barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) ay nakaisip sila ng ilang paraan para sa innovation ng katiwalian.
Smuggling ang nakikita nilang pamalit para tuloy ang maliligayang araw lalo’t papalapit na ang halalan.
Ang Pulitiko mula sa Mimaropa Region na sinasabing tunay na ninong ng sugar smuggling sa bansa ay si Mr. U.A….as in Uhaw sa Aduana.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.